SA mundong binabalot ng karahasan at mga banta ng digmaan at iba pang kaguluhan mula sa mga taong makapangyarihan, nanawagan nitong Linggo si Vice President Leni Robredo sa mga taong naturingang nagsisilbi para sa “people left behind by progress, seem to be drowning in frustration and anger because of the neglect that those in power had shown to those who were left behind.”
Siya ang pangunahing tagapagsalita sa seremonya ng Ramon Magsaysay Awards na naggawad ng pagkilala sa limang indibiduwal at isang organisasyon sa Cultural Center of the Philippines para sa ika-100 anibersaryo ng kapanganakan ni Pangulong Ramon Magsaysay.
Mayroong “surplus of anger and frustration” sa daigdig ngayon, aniya. Nasa isip niya marahil ang nagpapatuloy na bakbakan laban sa mga mandirigma ng Islamic State sa Gitnang Silangan, at sa nakalipas na mga buwan, sa digmaan sa Marawi dito sa atin sa Pilipinas; ang tumitinding banta ng pangwawasak at alitan sa pagitan ng North Korea at Amerika; at ang kabi-kabilang patayan dito sa ating bansa.
Sa harap ng mga insidente ng karahasang ito, aniya, ay ang kuwento ng anim na RM awardee na sa kani-kanilang paraan ay nakatulong upang kalingain ang mga nangangailangan. Pinangasiwaan ng awardee mula sa Pilipinas, si Lilia de Lima, ang Philippine Economic Zone Authority sa paraang pinakinabangan ng milyun-milyong manggagawang Pilipino.
Nakipagtulungan naman ang Japanese na si Yoshiaki Ishizawa sa mamamayan ng Cambodia at tinulungan sila upang buong pagmamalaking pangalagaan ang Angkor Wat at ang sariling pamana ng kanilang kultura.
Nakipagtulungan ang Indonesian na si Abdon Nababan sa mga katutubo sa kanyang bansa, binigyang-tinig ang kanilang kapakanan at ipinaglaban ang kanilang mga karapatan. Mahigit apat na dekada namang nakipagtrabaho ang Sri Lankan na si Gethsie Shanmugam sa mga biktima ng digmaan sa kanyang bansa, partikular na ang kababaihan at mga bata. Nagbahagi naman ng pagkain sa iba ang Singaporean na si Tony Tay at nagsilbi sa isang volunteer movement na nagligtas ng maraming buhay. At kinilala ang Philippine Educational Theater Association sa paglinang sa sining sa teatro bilang paraan ng pagsusulong ng pagbabago sa lipunan.
May malaking pangangailangan ang mundo para sa taong gaya ng mga pinarangalan, ayon kay Vice President Robredo. Sila ang mga uri ng tao na handang harapin ang gaano man katitinding pagsubok at pagsasakripisyo, “who would do something, not because it is easy, but because no one else will take on the challenge.” Sila ang mga “living examples of transformative leadership and inspiring service.”
Sa mga susunod na linggo at buwan ay patuloy tayong mamumuhay sa mga karahasan at banta ng kaguluhan sa iba’t ibang panig ng mundo at sa sarili nating bansa. Ngunit hindi natin dapat na balewalain ang mga pagsisikap ng mga karaniwang tao, na kadalasang mag-isa lamang sa kanilang pagpupursige, upang tulungan ang mga nangangailangan. At lagi nating isaisip ang kasabihang binanggit ng Bise Presidente sa kanyang talumpati, na ang kaunlarang nagdudulot ng kapabayaan sa pinakamaliliit sa lipunan ay hindi maituturing na tunay na kaunlaran.