Ni: Marivic Awitan
Mga Laro Ngayon
(Fil-Oil Flying V Center)
12 n.t. -- Beda vs St. Benilde (jrs/srs)
4 n.h. -- Lyceum vs Mapua (srs/jrs)
MAHILA ang pamamayagpag sa nagdaang first round elimination, sisimulan ng Lyceum of the Philippines University at San Beda College na manatiling ‘team-to-beat’ sa pagsalang sa magkahiwalay na laro ngayon sa NCAA Season 93 basketball tournament sa Fil Oil Flying V Center sa San Juan City.
Itataya ng Pirates ang malinis na karta (9-0) sa muling pagharap sa nangungulelat na Mapua Cardinals sa tampok na laban ganap na 4:00 ng hapon pagkatapos ng bakbakan ng Red Lions at ng 9th place St. Benilde Blazers ganap na 2:00 ng hapon.
Tatangkain ng Lyceum na maulit ang naitalang 98-74 na panalo kontra Mapua noong nakaraang Agosto 24 para sa pagsisimula ng panibagong winning run ngayong second round.
“Siyempre sure na ‘yan that all teams will be after us. Everybody wants to beat us so we just have to be always ready, “ pahayag ni LPU coach Topex Robinson.
Ayon pa sa Pirates mentor, magiging malaking hamon hindi lamang sa mga players kundi lalo na sa kanilang mga coaches na mapanatili ang kanilang nasimulang pagbibigay inspirasyon sa bawat isa upang magsilbing motivation para sa hangarin nilang patuloy na abutin ang kampeonato.
Muling sasandigan ng Pirates sina skipper MJ Ayaay at CJ Perez katulong ang rookie na si Jaycee Marcelino.
Sa kabilang dako, magsisikap namang umahon mula sa kinalugmukang 1-8 karta ang Cardinals sa pamumuno nina Christian Buñag , All-Star Skills Challenge champion JP Nieles at 3-Point Shootout champion Allmel Orquina.
Target naman ng defending champion Red Lions ang ikawalong sunod na panalo sa pakikipagtuos muli sa Blazers na ginapi na nila noong nakaraang Hulyo 18, 76-52.
Titimon ang Red Lions (8-1) kina Robert Bolick, Javee Mocon, Davon Potts at Donald Tankoua para dugtungan ang naitalang 7-game winning run noong first round upang manatiling nasa ikalawang puwesto.