Ni: Celo Lagmay

NANG lumutang ang posibleng paghalili ng isa pang drug lord sa Iloilo City kasunod ng pagpaslang kay Richard Prevendido, ang itinuturing na pinakamatinik na drug lord sa Western Visayas, lalong tumindi ang aking paniniwala na ang kumbinasyong narco-politics ay mananatiling mapangwasak sa kinabukasan ng ating bansa. Ibig sabihin, ang mga sugapa sa bawal na droga ay lalo pang pasasamain ng mga palamarang drug lords at ang sistema ng pulitika ay lalo namang wawasakin ng mga tiwaling pulitiko.

Ang paghahambing o analogy ng nakadidismayang misyong ito ng mga drug lord at ng ilang mapagsamantalang pulitiko ay ‘tila mahirap paniwalaang mapupuksa ng administrasyon; lalo pa nga at ang ganitong salot ng lipunan ay hindi man lamang napag-ukulan ng totohanang pansin ng nakalipas na mga liderato. Totoo na ang kani-kanilang mga lider ay napapatay subalit laging may humahalili sa kanila. Umiiral din dito ang rule of succession.

Sa pagkamatay ni Prevendido at ng kanyang anak, halimbawa, matunog ang mga espekulasyon na maaaring pumalit sa kanya ang Bolivar drug syndicate na pinamumunuan ni Ernesto Bolivar. Si Prevendido ay sinasabing high value target level 3 sa narco-list ni Pangulong Duterte. Hindi ba ang pamilya Parojinog ng Ozamiz City at Espinosa ng Albuera, Leyte ay kabilang din sa mahabang listahan ng mga kasangkot sa illegal drugs na laging isinisigaw ng Pangulo? At marami pang iba na sa pahiwatig ng mga awtoridad ay waring nakalinya ring lipulin.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Kasabay ito ng paniniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa Western Visayas na wala nang maghaharing drug lord sa Iloilo City dahil nga sa pagpaslang sa nabanggit na mga umano’y mga drug lord. Talagang hindi dapat... maging kampante ang mga alagad ng batas sapagkat naging kalakaran na ang pagsulpot ng user, pusher at drug lord kapag may napapatay na kasamahan nila sa sindikato, kahit na alam nilang laging nasusuong sa panganib ang kanilang buhay.

Ganito rin ang umiiral na sistema sa larangan ng pulitika. Sa kabila ng katotohanan na hindi lamang magastos ang pulitika kundi mapanganib at madugo pa, laging naghahari ang masakim na pamumulitika. Hindi alintana ng ilang pulitiko kung sila man ay binabansagang mga gahaman sa panunungkulan. Ang mahalaga sa kanila ay laging nakayakap sa nakaririmarim na pamumuno na isinusulong ng kinaaaniban nilang mga political dynasty.

Hindi maililihim ang katotohanan na higit na nakararami ang mga pulitiko na huwaran sa paglilingkod sa bayan. Wala silang inaalagata kundi maging katuwang sa mga programang pangkaunlaran para sa kapakanan ng sambayanan. Kabaligtaran ito ng nakapanggagalaiting paghahari ng mga drug addict, pusher at drug lord na dapat mapuksa sa ating lipunan.