Ni: Argyll Cyrus B. Geducos

Sinabi ng Malacañang na sa kabila ng umiigting na mga banta sa buhay ni Pangulong Duterte araw-araw ay aalamin nito ang mga bagong banta na tinutukoy ng talunang senatorial candidate na si Greco Belgica.

Pagkatapos ito ng pahayag ni Belgica kahapon na nagbabalak ang mga miyembro ng Liberal Party (LP) ng destabilisasyon at maging asasinasyon ng Pangulo.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na wala pang natatanggap na ganitong ulat ang kanyang opisina pero nagsabi na kailangang magbigay ng katibayan si Belgica sa mga sinasabi nito.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“As far as we know, matters like these arise every day, almost every day. Threats and the like. And so, I’m sure it’s going to be also looked into,” sabi ni Abella habang isinasagawa ang Mindanao Hour/Bangon Marawi press briefing kahapon ng umaga. “Any threat is a cause of concern.”

Ayon kay Belgica, sangkot ang Liberal Party sa giyera sa Marawi City, Lanao del Sur laban sa Maute Group, na sumalakay sa siyudad noong Mayo 23.

“Involved sila sa Marawi (siege). They are financing the destabilization plot, assassination plot for the purpose to oust the President at ipalit si VP Leni,” sabi ni Belgica. “They are doing dirty works now. They are doing relentless efforts to kill the President.”

Dati nang nagpahayag ang Malacañang na walang kinalaman ang oposisyon ng administrasyong Duterte sa nangyayaring labanan sa Marawi City.

Paulit-ulit nang sinabi ni Pangulong Duterte na ang giyera sa Marawi City ay tanging ang Islamic State lamang ang nagsimula.