Ni: Clemen Bautista

SUMAPIT na muli ang ‘ber’ months, ang huling apat na buwan sa kalendaryo ng ating panahon. Ang pagsapit ng ber months ay nagsimula noong unang araw ng Setyembre. Ang ber months ay hinihintay ng marami nating kababayan, ngunit para sa iba nating kababayan, ang mga nasabing buwan ay ordinaryo o karaniwang lakad ng panahon bilang huling apat na buwan ng taon.

Ang pagsapit ng ber months para sa nakararami nating kababayan ay may kahulugan, paniniwala at pananaw. Simula na ito ng paglamig ng panahon kung madaling-araw. Sa kalagitnaan ng Oktubre o bago matapos ang Setyembre, unti-unti nang mawawala ang hanging habagat na may dalang mahina at malakas na ulan. Papalit ang malamig na hanging Amihan na nagmumula sa silangan. At pagsapit ng Nobyembre at Disyembre, mararamdaman ang matinding lamig ng panahon, nagsisimula sa madaling-araw hanggang umaga at bago sumikat ang araw.

Ang ber months ay may hatid na pangamba sa ating kababayan sa mga lalawigan. Panahon rin ito ng malalakas na bagyo.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa lengguwahe ng ating magsasaka, ang ber months ay tinatawag nila na panahon ng “kawitang palakol”. Ang kanilang paliwanag, kung Oktubre, ang mga palay nilang itinanim ay nagsisimula nang maglihi at magbuntis ang mga uhay. Sa mga magsasaka, may hatid itong galak sa puso at kalooban. Nabubuhay din ang pag-asa na magkakaroon sila ng masaganang ani pagsapit ng Nobyembre hanggang Disyembre.

Ngunit naglalaho ang kanilang pag-asa at napapalitan ng lungkot at kabiguan sapagkat kung ber months dumarating ang malalakas na bagyo. Napipinsala ang nagbubuntis na mga uhay ng palay na kanilang aanihin. Nalulubog sa tubig dahil sa ulan na dala ng bagyo. Walang magawa ang mga magsasaka. Paglipas ng bagyo, ang lumubog sa tubig na palay ay matiyagang inaani. Pinatutuyo ang mga palay upang kahit paano ay madala sa rice mill at may makain ang pamilya.

Sa panahon din ng ber months, dinaraanan ng malakas na bagyo ang maraming lalawigan sa ating bansa lalo na ang nasa tabi ng Dagat Pasipiko. Nawawasak ang mga bahay. May namamatay at halos malugmok sa hirap dahil sa pininsala ng bagyo. Hindi na malilimot ang super bagyong ‘Yolanda’ na puminsala sa Leyte, lalo na sa Tacloban City. Libu-libong tao ang namatay at hindi na natagpuan.

Sa kabila ng bumuhos ang tulong mula sa ibang bansa, hanggang ngayon, ang mga biktima ng bagyo ay hindi pa rin makabangon sa kahirapan. Ang nakalulungkot pang mabatid, habang ang mga biktima ng bagyo ay unti-unting tinutulungan ng pamahalaan upang makabangon sa kahirapan, hindi naiwasan na nagkaroon din ng anomalya at katarantaduhan sa pagtulong. Nabunyag na substandard umano ang mga materyales na ginamit sa itinayong tirahan ng mga biktima ng bagyo.

Pangamba ngayon ng iba nating kababayan na nagmamalasakit sa mga biktima ng bagyo, tiyak manganganib ang kanilang buhay at madaling masisira ang kanilang tirahan kapag dinaanan ng malakas na bagyo.

Kapag sumapit na ang ber months, agad mapapansin na muling nagliliwanag sa gabi ang mga tindahan ng mga parol. May iba’t ibang kulay ang pumikit-dumilat na ilaw ng mga parol na gawa sa capiz. May mga tindahan naman na nagkakabit na ng Christmas decoration at mga... palamuti. Sa gabi, nangingibabaw ang iba-ibang kulay ng mga Christmas light.

Ang liwanag ng mga palamuting pamasko ay tumitingkad kapag sumapit na ang Oktubre at Nobyembre. Makikita ito sa mga pangunahing lansangan sa iba’t ibang lungsod ng Metro Manila, commercial district at sentro ng negosyo. At maging sa mga mall sa iba’t ibang bayan sa lalawigan. Ang liwanag ng mga Christmas decoration na may kasabay na mga himig ng awiting Pamasko na parang kinakawayan ang pagsapit ng Pasko. Sa ibang nakaririnig ng awiting pamasko, may hatid na magkahalong lungkot at tuwa; naiisip ang mahal sa buhay na nasa ibang bansa.

Sa mga istasyon ng radyo at telebisyon, napapansin ng mga nakikinig at nanonod ng balita ng mga anchor ang pagkakaroon nila ng countdown bago sumapit ang Pasko. Sa telebisyon, ang countdown ay may kasamang Christmas decor o mga simbolo ng Pasko na sinasabayan o background music na himig at awiting pamasko.

Para naman sa mga manggagawa, ang ber months ay pahiwatig na sila’y makatatanggap ng Christmas bonus at 13th month pay. Malaki ang kanilang pag-asa at kanilang dinarasal na sana’y huwag silang baratin sa ibibigay na bonus ng kanilang employer.