Ni Ernest Hernandez
HINDI mahulugan ng karayom ang dumagsang basketball fans sa MOA Arena para masulyapan ang isa sa pinakasikat at mukha ng NBA – ang four-time champion na si LeBron James.
Tulad nang nakalipas na pagdating niya sa bansa – sa pagkakataong ito bilang bahagi ng Nike LeBron James Tour 2017:
Strive for Greatness – hindi magkamayaw ang mga tagahanga sa bawat galaw ni James sa loob at labas ng hard court.
Maging ang mga PBA star at mga miyembro ng Gilas Pilipinas na nakibahagi sa exhibition game laban kay James ay hindi naitago ang pananabik na makasama ang itinuturing ‘Greatest of All-Time’ sa kanyang henerasyon.
Sa loob ng 30 minutong laro, napakaigsi ng panahon na makapiling ang idolo at tinitingalang persona sa sports ng basketball.
Kabilang sa Gilas Old-Generation na nakiisa sa Tour ay sina Japeth Aguilar, Jared Dillinger, Gabe Norwood, LA Tenorio, Jayson Castro, Jeff Chan, Paul Lee, Ranidel De Ocampo, Gary David at Jimmy Alapag, nagdesisyon na magbalik-aksiyon para makaamot nang kapirasong pagkakataon na makalaro si James. Si Jong Uichico ang tumayong coach ng GOG.
Sa pangangasiwa naman ni Josh Reyes, sumabak din ang Gilas Young Blood na kinabibilangan nina Matthew Wright, Kiefer Ravena, Bobby Ray Parks, Baser Amer, Almond Vosotros, Raymond Almazan, Mike Tolomia, Roger Pogoy, Raymar Jose at 15-anyos at 7’2” prodigy na si Kai Sotto.
Tulad nang inaasahan at pinananabikang matunghayan, lumipad sa ere si James para sa impresibong dunk – hindi lang isa kundi tatlong ulit – na tunay namang nagpakilig sa mga tagahanga.
“I said two years ago that I was coming back. Last year, some unfortunate things happened but I’m back,” pahayag ni James sa crowd. “There was no way that I’m not coming back here to Manila this year and I’m happy that I’m celebrating this time with you guys.”
“You guys are so unbelievable and I thank you so much.Thank you for being a part of the LeBron James tour 2017 and I hope you guys will continue to welcome me because I love coming back here,” aniya.
Sa kanyang paglisan, tunay na muling nag-iwan nang hindi malilimot na karanasan sa mga tagahanga at sa mga players na nagkaroon ng pagkakataon na makadaupang-palad ang four-time MVP.
“It was an honor,” sambit ni Matthew Wright ng Phoenix Fuel Masters.
“Not people can say that they were actually teammates with LeBron James and have him pass the ball to you and high five you. It is a special moment and I would definitely remember it,” aniya.