Ni: Rommel P. Tabbad
Guilty!
Ito ang hatol ng Sandiganbayan kay dating Kabankalan City, Negros Occidental Councilor Carlo Villavicencio kaugnay ng kasong sexual harassment na isinampa ng isang technical assistant laban dito noong 2005.
Sa desisyong pirmado nina Associate Justices Ma. Theresa Dolores Gomez-Estoesta, Zaldy Trespeses at Bayani Jacinto, napatunayang nagkasala si Villavicencio sa paglabag sa Section 3 ng Anti-Harassment Act of 1995 (Republic Act No. 7877) at diskuwalipikado na itong tumakbo sa ibang posisyon sa pamahalaan, bukod pa sa pinagmumulta ng P10,000.
Ayon sa record ng korte, ginamit ni Villavicencio ang kanyang posisyon upang hilingin sa biktima na mag-date sila at makipagtalik ito sa kanya.
Nang tumanggi ang biktima ay tumanggi rin si Villavicencio na iendorso sa Sangguniang Panlungsod ang appointment nito.