NI: Francis Wakefield at Mary Ann Santiago

Sinabi kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may malaking dahilan upang paniwalaang patay na nga ang leader ng Maute Group na si Abdullah Maute.

Sa isang panayam, sinabi ni AFP Western Mindanao Command (WestMinCom) at Task Force Marawi spokesperson Captain Jo-Ann Petinglay, na mismong si AFP WestMinCom chief Lt. Gen. Carlito Galvez ang nagbanggit sa press briefing na may mga senyales na dapat paniwalaang nasawi sa bakbakan si Abdullah.

Kasama ang kapatid na si Omar at ang Abu Sayyaf leader na si Isnilon Hapilon, pinangunahan ni Abdullah ang pagsalakay sa Marawi City noong Mayo 23, 2017. Mahigit 800 na ang namatay sa labanan batay sa huling datos ng militar nitong Linggo.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

TRIBUTE SA TERORISTA

“He (Lt. Gen. Galvez) mentioned that there are indicators to believe na namatay na itong si Abdullah Maute at may tribute na ginawa para sa kanya. Matagal nang namo-monitor na namatay siya,” sabi ni Petinglay.

Kasabay nito, sinabi ni Petinglay na batay sa impormasyon mula sa mga mapagkakatiwalaang sources, Agosto pa umano namatay si Abdullah.

“There are indicators that Abdullah Maute already died. There are sources who gave us the same information and also there is a tribute that is circulating in the wires about him,” ani Petinglay. “However, we still have to validate this information since the AFP has to follow a process. We need to get the dead body and have it undergo DNA (testing) before we can say truly confirm that he is already dead.”

Sinabi ni AFP Public Affairs Office chief Marine Col. Edgard Arevalo na hinihintay pa nila ang kumpirmasyon sa nasabing ulat.

Ayon kay Petinglay, 639 na terorista na ang napatay, at 672 baril ng mga ito ang nakumpiska.

Nasa 145 naman sa panig ng gobyerno ang nasawi, bukod pa sa 45 sibilyan.

PANATILIHING BUHAY ANG HOSTAGES

Samantala, umapela naman sa pamahalaan si Marawi Bishop Edwin Dela Peña na bigyang-halaga ang kaligtasan ng mga bihag ng Maute Group, sa pagpapatuloy ng final assault ng militar sa Marawi.

Iginiit ng Obispo na ang “collateral damage” sa giyera ay hindi katanggap-tanggap, anuman ang sirkumstansiya sa likod nito.

“If they do the final assault, the lives of the hostages could just be sacrificed and be considered as collateral damage… that is not acceptable. To me, they are not a collateral damage,” sinabi ni Dela Peña sa panayam ng Radio Veritas. “I call on all Christians to come out with their similar opposition to this plan (of the military).”

Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na hindi niya ipatitigil ang ginagawang pambobomba ng militar sa natitira pang hideout ng mga terorista, kabilang na ang mga mosque, kahit pa doon itinatago ng Maute ang mga bihag nito.

“Let us continue praying… let us pray that this crisis will already end without sacrificing more lives,” ani Dela Peña.

Sa taya ng militar, aabot sa 30 ang natitirang bihag ng Maute, kabilang na ang Katolikong pari na si Fr. Chito Suganob.