Ni: PNA

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan – Mahigit 200 bahay sa baybayin ng Puerto Princesa City sa Palawan ang natupok ng apoy nitong Linggo ng umaga, at aabot sa 800 residente ang nawalan ng tirahan.

Sumiklab ang sunog bago mag-10:00 ng umaga sa Roxas Street sa Barangay Bagong Silang.

Ayon kay Victoria Oblan, opisyal ng barangay, pansamantalang inilikas ang mga nasunugan sa barangay hall at sa kalapit na basketball court habang inaayudahan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“The number of houses that got burned is not less than 200,” sabi ni Oblan, idinagdag na ito na ang ikalawang sunog na naitala sa Bgy. Bagong Silang ngayong taon.

Nakontrol ang sunog bandang 10:30 ng umaga, ayon kay Senior Fire Official Nilo Caabay Jr., ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng lungsod.

Batay sa paunang imbestigasyon ng BFP, nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Cris Danyo at mabilis na kumalat sa iba pang bahay na pawang gawa sa light materials.

Inaalam pa ang kabuuang halaga ng natupok na ari-arian.