PINADAPA ng University of Santo Tomas at La Salle ang kani-kanilang karibal sa opening-day ng Premier Volleyball League (PVL) Collegiate Conference men’s division nitong Sabado sa The Arena sa San Juan.

Nagamit ng UST ang sunod-sunod na turnover ng University of the Philippines tungo sa 25-17, 25-22, 25-15 panalo.

Sa kabila ng pagiging malamya sa opensa ng Tigers kung saan tanging si Joshua Umandal lang ang kumana ng double-digit sa natipong 13 puntos, nagawang makalusot ng UST – salamat sa 28 turnover ng UP Maroons.

Kumana ng tig-walong puntos sina Nicolo Consuelo at Wendel Miguel para sa UP.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Samantala, dinaig ng La Salle ang College of St. Benilde, 25-27, 26-24, 25-23, 25-22.

Nagsalansan sina Cris Dumago ng 18 puntos, Raymark Woo at Arjay Onia na may tig-16 puntos, habasng kumana si John delos Reyes ng 11 puntos.

Nanguna si Isaah Arda na may 21 puntos sa reigning NCAA champion CSB.

Target ng Blazers na makabangon mula sa pagkawala ng nagtapos nang si John Vic de Guzman, captain din ng national volleyball team na sumabak sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.