VIETNAM – Nakopo ni Jan Paul Morales ang 151 kilometer stage-2 ng VTV Tour of Vietnam nitong Linggo para makuha ang yellow jersey – simbolo ng liderato.
Bahagi si Morales ng seven-man breakaway na kinabibilangan din nina Navymen Ronald Lomotos at Daniel Carino.
Nagawang maungusan ng Marikeño si Changpad Kristada ng Infinite-Thailand at Jiung Jang ng South Korean sa naturang stage upang magsosyo sa Overall Classifications, ngunit tangan ni Morales ang 10-second victory-bonus.
“I did not do it by myself ma’am. I’am very thankful to my team we do team work so I can be on the perfect position to sprint in the finish line,” pahayag ni Morales sa panayam ng Sports Radio.
Nagpakatatag ang Philippine Navy kasama sina Ronald Oranza at El Joshua Carino sa unang breakaway group, ngunit panandalian lamang ang kanilang pangunguna nang umarangkada ang grupo ni Morales sa huling 1.5 kilometro ng karera.
Tumapos si Lomotos sa ikapitong puwesto, 15 segundo ang layo kay Morales, habang sina Oranza, Rudy Roque, JohnMark Camingao at Cariño ay isang minute at 32 segundo ang layo.
“Nag-sacrifice po sina Daniel at Lomotos sa last 5 kms para maka position si Jan Paul, Salamat sa Diyos at naging successful naman,” pahayag ni National coach Reinhard Gorantes.