Ni: Bert de Guzman

DALAWANG impeachment complaint ang nakahain ngayon sa Kamara. Ang una ay laban kay Comelec Chairman Andres Bautista.

Tatlong kongresista ang nag-endorse nito, sina Cebu Rep. Gwen Garcia, Cavite Rep. Abraham Tolentino, at Akbayan Rep. Harry Roque.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang pangalawa ay laban kay Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno. Dalawampu’t limang kongresista naman ang nag-endorse sa impeachment complaint laban kay Sereno. Batay sa reklamo ng isang abugado na nag-file ng reklamo, nabigo raw si Sereno na ihayag ang kanyang yaman o net worth at pini-pressure ang mga hukom na huwag sundin ang Duterte administration.

Inihayag ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na handa umanong isauli ng Marcos Family ang ill-gotten wealth na natamo nila sa mahabang panahon ng panunungkulan. Gayunman, tutol ang mga mambabatas at human rights victims sapagkat hindi lahat ng nakaw na yaman ay balak na ibalik ng Marcos heirs.

Nais nilang ibalik ang lahat ng ill-gotten wealth nang walang kondisyon at harapin ang mga kaso laban sa kanila. Sabi nga ni Senate Pres. Koko Pimentel: “The entire wealth that was stolen should be returned.”

Nakikiramay ako sa pagyao ni journalist Joel Palacios, 70, sa insidente ng pananaksak na nangyari sa isang condominium sa Pasay City. Si Joel ay nagtrabaho bilang mamamahayag sa Inquirer, Reuters, at Manila Standard. Naging spokesperson din siya at hepe ng communications division ng Social Security System. Natulungan niya ako nang ako’y mag-apply ng SSS pension nang ako’y maging isang senior citizen.

Totoo ba ang pahayag ni ex-Manila Mayor at ngayon ay Buhay Rep. Lito Atienza na minsan ay nagtapat sa kanya si ex-First Lady at ngayon ay Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos, na ang kanyang pamilya ay may 7,000 toneladang ginto na nakadeposito sa iba’t ibang lugar sa mundo?

Nag-alok pa rin daw si Imelda na babayaran ang foreign debts ng Pilipinas mula sa kanilang yaman. Ang problema lang, hindi raw niya ma-touch o makuha ang mga ito. Magandang balita ito sa sambayanang Pilipino sakaling totohanin ng Marcos Family na isauli ang nakaw na yaman. Kahit papaano, makatitighaw ito sa hangarin ng mga Pinoy na matamo ang hustisya.