Ni: Bella Gamotea
Nasakote ng mga pulis ang holdaper na nambiktima ng isang pasahero ng bus sa Makati City, kamakalawa ng gabi.
Kasalukuyang nakakulong sa Makati City Police headquarters si Michael Velasco Lapus, nasa hustong gulang, matapos niyang holdapin si Julius Igcallinas Samonte.
Sa ulat ng Southern Police District (SPD), naganap ang panghoholdap sa EDSA loyola bus stop, Barangay Viejo, Makati City, dakong 8:30 ng gabi.
Kabababa lamang mula sa bus ni Samonte nang tutukan siya ng kutsilyo ni Lapus at nagdeklara ng holdap.
Sapilitang kinuha ng suspek ang personal na gamit, wallet at cell phone, ng biktima saka mabilis na tumakas.
Nagkataon namang nagpapatrulya ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP)-Station 6 at agad nagpasaklolo si Samonte hanggang sa tuluyang naaresto si Lapus.
Nabawi mula sa suspek ang mga gamit ng biktima.