ni Nora Calderon
SA GMA-7 muna mapapanood si Carmina Villaroel at ang pamilya niya. Napanood muna si Zoren Legaspi nang mag-guest sa I Heart Davao. Two weeks ago, napanood naman sumayaw ang kambal nilang sina Mavvy at Cassy sa opening production number ng Eat Bulaga. Pero nauna silang napanood na mag-anak sa two-part series ng Road Trip travel show ng Kapuso Network.
“Nakakatuwa na maganda ang feedback, ang mga comments ng mga netizens na nakapanood sa amin sa Road Trip,” pahayag ni Carmina nang ma-interview ng “Chika Minute” sa set ng Super Ma’am. “Gusto talaga namin ang ganoong tema ng show. Sabi ko nga, kung magkakaroon kami ng show na kaming mag-anak, gusto ko something like that. Kasi you get to travel, you get to go to places na hindi pa namin napupuntahan. Like ‘yung first time naming nakapunta sa Batanes, ang ganda-ganda at natuwa kami kasi nalibot namin ang buong lugar dahil two episodes ang ginawa namin. Nag-enjoy kaming lahat, lalo na sina Mavvy at Cassy. Lagi ko nang binibiro ang kambal na may part two, at totoo may part two kami, pero kailangang ihanda muna dahil nagsimula na silang pumasok sa school, dahil may classes na sila.”
Wala naman yata siyang exclusive contract sa ABS-CBN, dahil ngayon nga, makakasama niya si Marian Rivera dahil may special guest role siya sa Super Ma’am.
“First time kong makakasama si Marian kaya natuwa ako nang tawagan para mag-guest sa Super Ma’am. Gagampanan ko ang role ni Ceres, isang misteryosang babae. Excited ako sa role ko, excited ako to work with Marian,” pahayag ni Carmina.
Ang pagkaalam namin, si Ceres ang magbibigay ng kakaibang kaalaman kay Marian na gumaganap bilang teacher na magkakaroon ng superpower na makatutulong sa pagtuturo niya sa kanyang mga estudyante.
Excited na ang maraming fans ni Marian na mapanood siyang umaarte dahil napakatagal na ng huli niyang teleserye. Sa Sunday Pinasaya kasi, madalas na comedy ang segments na ginagawa niya.