MAAGANG nagparamdam ng lakas ang NCAA champion Arellano at UAAP runner-up Adamson nang gapiin ang kani-kanilang karibal sa pagsisimula ng Premier Volleyball League (PVL) Collegiate Conference nitong Sabado sa The Arena sa San Juan.
Ginapi ng Lady Chiefs ang College of St. Benilde Lady Blazers, 25-20, 25-22, 25-1. Nanaig naman ang Lady Eagles sa Jose Rizal University Lady Bombers, 25-17, 25-15, 25-15.
Nanguna sa Arellano si team captain Jovielyn Prado sa naiskor na 14 puntos, habang nag-ambag si Mary Anne Esguerra ng 13 puntos para sa matikas na simulang Group B play.
“Ang ginagawa lang namin ngayon ay hinahanap lang namin ang tamang combination. Medyo nangangapa pa ang team ko sa ngayon,” sambit ni Arellano coach Obet Javier.
“Sa nakita namin sa game namin kanina against Benilde medyo maganda lang siguro ang gising namin. Pero hindi porke’t nanalo kami (kompiyansa na kami),” aniya.
“Mas lalo pa naming pag-iibayuhin yung practice siguro para pagdating ng NCAA magiging ganito ulit ang resulta.”
Nagtumpok ng tig-siyam na puntos sina Necole Ebuen at Regine Arocha, habang nakaiskor si Andrea Marzan ng anim na puntos sa duwelo na umabot ng mahigit dalawang oras.
“Napakalaki ng nakuha nilang experience noong nakaraang conference. Sinasabi ko sa mga senior lalo na sa mga naglaro sa Power Smashers na kailangan mag-contribute kayo ng husto. Dapat ma-motivate din nila ang mga kasama nila na sabayan din sila,” aniya.
Nanguna si Klarissa Abram sa CSM sa naiskor na siyam na puntos.
Sa kabila ng hindi paglalaro ni seasoned setter Jia Morado, nanindigan ang Ateneo laban sa karibal mula sa NCAA.
Kumubra si team captain Bea de Leon ng 14 puntos, habang tumipa sina Kat Tolentino ng 11 puntos at may tig-10 puntos sina Jules Samonte at Maddie Madayag.
“It’s a good start obviously for us and I hope it continues naman,” pahayag ni De Leon.
Naitala ng Ateneo ang 45 attacks laban sa 22 ng JRU, at may pitong blocks laban sa Lady Bombers.