Ni MARY ANN SANTIAGO
Umabot sa 488 katao ang inaresto ng awtoridad sa sabayang anti-criminality operations sa tatlong lungsod sa Eastern Metro.
Sa ulat ng Eastern Police District (EPD), isinagawa ang sabayang anti-criminality operations simula kamakalawa ng hatinggabi hanggang 6:30 ng umaga kahapon.
Sa Pasig City, umabot sa 406 ang hinuli sa pagkakasangkot sa iba’t ibang kaso gaya ng nagsusugal, 16; illegal drugs, 14; umiinom ng alak sa pampublikong lugar, 69; naninigarilyo, 115; nakahubad baro, 156; lumabag sa curfew, 29; pumalag sa pag-aresto, 1; umihi sa maling lugar, 5; at dalawa ang sinilbihan ng warrant of arrest.
Sa Mandaluyong City, umabot naman sa 56 ang inaresto. Umiinom sa pampublikong lugar, 17; nakahubad baro, 9; riding-in-tandem, 18; at lumabag sa batas-trapiko, 12.
Sa Marikina City, 26 naman ang inaresto gaya ng nagsusugal, 2; illegal drugs, 1; pag-inom ng alak sa pampublikong lugar, 9; nakahubad baro, 8; robbery snatching, 1; theft at illegal possession of deadly weapon, 1; hinatak na motorsiklo, 2; at pag-ihi sa pampublikong lugar, 2.