DUTERTE AT PAMILYA MARCOS MAGKAIBA ANG SINASABI
“Ano ba talaga?”
Ito ang katanungan ni Vice President Ma. Leonor “Leni” Robredo kahapon matapos magbigay ng magkaibang pahayag si Pangulong Rodrigo Duterte at ang pamilya Marcos kaugnay sa pagbabalik ng nakaw na yaman ng huli.
“Pinakaproblema dun matapos sabihin ng ating Pangulo parang sinabi yata ng pamilyang Marcos hindi na nila iyon sinabi,” anang Robredo sa kanyang lingguhang programa sa radyo, ang “Biserbisyong Leni.”
“Noong sinabi ng Pangulo, kahit papaano napakatagal na tayo pinaghintay, sabi natin maigi pa rin ibabalik. Hindi lang konti pero dapat lahat. Ngayun binawi na ulit. Wala na daw ganun pag-uusap,” dugtong ni Robredo.
Humiling si Robredo ng paglilinaw matapos magpahayag si Ilocos Norte Governor Imee Marcos na wala pang mga negosasyon para sa pagbabalik ng mga hindi maipaliwanag na yaman ng kanilang pamilya.
Nagsalita ang panganay na anak ng dating diktador Ferdinand Marcos kasunod ng pagsisiwalat ng Pangulo na bukas ang pamilya na ibalik ang bahagi ng kanilang yaman, kabilang ang ilang gold bar, sa pamahalaan.
Iginiit ng Vice President, isang human rights lawyer, na dapat ibalik ng mga Marcos ang lahat ng kanilang ninakaw mula sa mamamayang Pilipino.
“Hindi naman puwede ‘yun pagbibigyan ka ng kaunti kasi pinaka-issue dito hindi kanila iyon. Sa taumbayan iyon,” aniya. - Raymund Antonio