ni Mary Ann Santiago
Aabot sa 57 kaso ng Japanese encephalitis ang naitala sa bansa ngayong taon, kinumpirma ng Department of Health (DoH).
Sa datos ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM), pinakamaraming kaso ang naitala sa Pampanga, na umabot sa 32 nitong nakaraang linggo, ayon sa DoH.
Nabatid na may 260 pinaghihinalaang kaso ng Japanese encephalitis ang naitala ng DoH sa lalawigan simula noong Hulyo, ngunit 32 lamang nagpositibo sa viral infection.
Inaalam na rin ng RITM kung Japanese encephalitis ang dahilan ng pagkamatay kamakailan ng isang 20-anyos na engineering student sa San Fernando, Pampanga.
Ang Japanese encephalitis ay isang viral infection na dulot ng kagat ng lamok at karaniwang tumatama agricultural areas.
Ayon kay Dr. Eric Tayag, tagapagsalita ng DoH, ang manok na nagdadala ng virus nito ay nangangagat sa gabi, taliwas sa lamok na nagdadala ng dengue na sa araw naman umaatake. Nakukuha ng lamok ang virus mula sa mga kinagat nitong hayop, tulad ng baboy, at naisasalin ito sa tao.
Inaatake ng virus ang utak ng biktima na nagdudulot ng pamamaga.
Isa sa mga sintomas ng Japanese encephalitis ang lagnat, ngunit may mga kaso rin na wala itong anumang senyales.
Kabilang sa sintomas ng impeksiyon nito ay kombulsiyon, pananakit ng ulo at kapuna-punang paggalaw ng extremities.
“Parang iwinawagayway ‘to na hinahampas sa dingding,” ani Tayag. “Minsan kapag tiningnan mo ang mukha ng pasyente para siyang maskara, ibig sabihin walang emosyon, nakadilat lang sayo parang walang pananaw. ‘Yung iba naman kala mo may pilay, may polio.”
Posibleng sa susunod na taon pa magkaroon ng bakuna laban sa Japanese encephalitis dito sa Pilipinas.