ni Franco G. Regala
CAMP AQUINO, Tarlac City – Patay ang apat na sundalo at isa ang sugatan sa bakbakan sa pagitan ng militar at ng rebeldeng New People’s Army (NPA) nitong Biyernes ng hapon, Setyembre 1, sa Barangay Catarawan, Kasibu, Nueva Vizcaya, kinumpirma kahapon ng militar.
Sa ulat na ipinarating sa opisina ni Lt. Col Isagani Nato, tagapagsalita ng Northern Luzon Command, kinilala ang mga napatay na sundalo na sina Staff Sgt. Dexter John Tagacay, Corporal Jayson Sabado, Corporal Rusty Galan at Private First Class Abraham Lindo, pawang miyembro ng 84th Infantry Battalion sa ilalim ng 7th Infantry Division, mother unit ng Philippine Army (PA) na nakabase sa Port Magsaysay, Nueva Ecija.
Nagsasagawa ng combat patrol ang mga militar noong hapon ng Setyembre 1 nang makaengkuwentro ang hindi madeterminang bilang ng rebelled sa loob ng 30 minutong sagupaan sa Sitio Manlan Barangay Catarawan, ayon kay Nato.
Agad isinugod ang sugatang sundalo sa Bayombong Veterans Hospital sa Nueva Vizcaya.
Sinabi ni Nato na ang mga rebelled ay miyembro ng SPP “Gani” ng New People’s Army na nagsasagawa ng recruitment at extortion.