Nina FER TABOY at AARON RECUENCO

Nagwakas ang mahigit isang taong pagtatago sa batas ng umano’y pangunahing drug lord ng Western Visayas na si Richard “Buang” Prevendido makaraan siyang mapatay, kasama ang anak niyang si Jason, nang salakayin ng pulisya ang pinagtataguan ng mag-ama dakong 9:30 ng gabi nitong Biyernes, sa Landheights Subdivision sa Barangay Balabago, Jaro, Iloilo City.

Ayon sa Scene of Crime Operations (SOCO) ng Police Regional Office (PRO)-6, nagtamo ng mga tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan ang mag-ama matapos umanong manlaban sa mga pulis.

Sinabi ni Chief Insp. Hilarion Roga, hepe ng SOCO, na dalawang tama ng bala sa tiyan, isa sa ulo, at isa sa leeg ang tinamo ni Richard, habang nabaril naman sa ulo at dibdib ang anak na si Jason.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Ayon kay Chief Insp. Jonathan Pinuela, director ng Regional Intelligence Unit ng Iloilo City Police Office (RIU-ICPO), kasama sa operasyon ang Iloilo Police Provincial Office (IPPO), sinalakay ang pinagtataguan ni Buang dala ang arrest warrant nang salubungin pagbabarilin umano sila ng mag-ama sa Landheights Subdivision.

Nasamsam ng pulisya sa pag-iingat ni Buang ang isang .45 caliber pistol at isang AK-47, habang nabawi naman ang isang Super .38 sa anak nito.

Narekober din umano sa crime scene ang tatlong laptop computer, 12-rounds ng magazine ng AK-47, dalawang sachet ng hinihinalang shabu, at mga shabu residue.

Ayon kay Pinuela, nakatanggap sila ng “A-1” imformation tungkol sa pinagtataguan ng mag-ama. May nakalaan namang P1.1 milyon pabuya para sa impormante.

Kaugnay nito, sinabi ng pulisya na nagpapatuloy ang kanilang monitoring sa mga aktibidad ng tatlo pang pangunahing drug personality na itinuturo niyang responsable sa pagpapakalat ng ilegal na droga sa Western Visayas.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa, pinaigting pa nila ang intelligence-gathering laban sa tatlo, na ang dalawa ay kinilala niya bilang Bolivar Group at Yang Group.

Gayunman, nilinaw ni Dela Rosa na wala siyang nakikitang kaugnayan ni Prevendido kay Iloilo City Mayor Jed Mabilog, na tinawag ni Pangulong Duterte na drug protector.