Ni: Czarina Nicole O. Ong
Napatunayan ng Sandiganbayan Third Division na nagkasala sa kasong graft si Dapa, Surigao del Norte Mayor Peter Payna Ruaya, at hinatulang makulong ng hanggang walong taon.
Sinentensiyahan si Ruaya sa paglabag sa Section 3(e) ng R.A. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) kasama sina Zosimo Melindo Cuizon, municipal dudget officer; at Alicia Tokong Durero, miyembro ng bids and awards committee (BAC).
Hinatulan sina Ruaya, Cuizon, at Durero ng anim na taon at isang buwan hanggang walong taong pagkakakulong, at habambuhay nang hindi makapagtatrabaho sa pamahalaan.
Bukod sa kanila, sinampahan din ng kaparehong kaso sina Councilors Henry Golindan Tiu, Kenneth Joel Yu Tiu, Florita Gotico Tesiorna, Francisco Matugas Gonzales, Dionisio Payna Ruaya, Renz Jerald Yangzon Ruaya, at Simpriso Ranza Jr., ngunit napawalang-sala ang mga konsehal dahil sa kabiguan ng prosekusyon na mapatunayan ang kanilang pagkakasala.
Nag-ugat ang kasong graft sa maanomalyang paglalabas ng P13,031,754 para sa pagbili ng apat na dump truck, isang pay loader, isang bulldozer, at isang grader. Binili ang nasabing kagamitan kahit pa hindi ito inaprubahan sa Annual Procurement Plan (APP) ng munisipalidad noong 2008, at wala ring nakahandang pondo para rito.
Ginawa ang pagbili ng kagamitan kahit pa hindi ito napagkasunduan, at pinahintulutan pa ng konseho si Ruaya na umutang sa Land Bank of the Philippines (LBP) para sa proyekto.
Sa paglilitis, nabigo ang mga akusado na maiprisinta ang APP para sa taong 2008, na pinakaakma sanang ebidensiya upang patunayan na mayroong nakalaang pondo sa nasabing pagbili.