Ni REGGEE BONOAN
BUKOD sa Dolphy Theater sa loob mismo ng compound ng ABS-CBN na pinagdadausan ng private viewing o block screening ng mga pelikulang produced ng Star Cinema at foreign films na idi-distribute nila ay may bago na silang mga sinehan, ang CityMall Cinemas na tatawaging Cine Screen na Kapamilya Network ang magma-manage.
Ang CityMall Commercial Centers Inc. (CMCCI) ay subsidiary property ng DoubleDragon Properties Corp.(DD) at SM Investments Corp. (SMIC). May 25 CityMalls na sa buong Pilipinas na ang target market ay small communities.
Ang unang dalawang CineScreen cinema na binuksan at nagkaroon ng blessing nitong nakaraang Biyernes ay sa CityMall-Anabu Imus, na dinagsa ng tao lalo na ng supporters nina Josh Garcia at Julia Barretto dahil ang unang ipinalabas ay ang pelikula nilang Love You To The Stars and Back.
Nagkaroon din ng mall show ang Kapamilya singers sa pangunguna nina Kaye Cal, Michael Pangilinan, Klarisse de Guzman, KZ Tandingan at ang JoshLia tandem.
As early as 10 AM ay punumpuno na ang CityMall-Anabu kahit 3 PM pa ang programa. Excited kasi ang fans ng bawat artist bukod pa sa nag-unahang makabili ng album at tickets para makapanood sa bagong sinehan.
Mahigit isandaan ang puwedeng manood sa Theater A at otsenta katao naman ang kasya sa Theater B. Ayon sa napagtanungan namin, depende sa location at laki ng branch ng CityMall ang kapasidad ng kanilang mga sinehan. Aliw ang mga sinehan dahil para kang nasa bahay lang. Home theater ang style ng CineScreen.
Biglang umulan ng malakas kinahapunan pero hindi pa rin napigil ang mga tao sa pagpunta sa mall kaya ganado naman tuloy sina Josh at Julia para aliwin ang supporters nila sa mall show.
Hindi na kami nanood ng Love You To The Stars and Back, Bossing DMB dahil napanood na natin ito sa premiere night at para bigyang Daan na rin ang mga dumalong VIPS at fans ng JoshLia love team.