Ni MARIVIC AWITAN
Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 n.h. -- Globalport vs NLEX
6:45 n.h. -- Ginebra vs Star
PUNTIRYA ng Ginebra na masungkit ang solong liderato sa pakikipagtuos sa Star Hotshots sa tampok na laro ngayong gabi sa 2017 PBA Governors Cup sa Araneta Coliseum.
Kasalukuyang kasalo sa liderato ang Kings ng Meralco Bolts, hawak ang parehas na barahang 5-1, na hindi naman nalalayo sa pumapangalawa sa kanilang Hotshots na may barahang 4-1.
Kaya naman tiyak na umaatikabong bakbakan ang inaasahang matutunghayan sa pagitan ng Kings at Hotshots ganap na 6:45 ng gabi matapos ang unang salpukan sa pagitan ng Globalport at NLEX, ganap na 4:30 ng hapon.
Kapwa galing sa panalo sa kanilang nakaraang laro, mag -uunahang muling makapagposte ng back-to-back wins ang Batang Pier at ang Road Warriors.
Target ng NLEX na kumalas sa pagkakatabla nila ng Rain or Shine sa ikatlong posisyon hawak ang parehas na barahang 4-2, habang hangad naman ng Globalport na pumantay sa TNT Katropa (4-3) sa pang-anim na puwesto.
Huling ginapi ng Kings para sa pang-anim nilang tagumpay sa pitong laban ang Phoenix nitong Miyerkules, 105-92.
Sa panig naman ng Hotshots, magsisikap silang bumalikwas mula sa natamong unang kabiguan sa kamay ng Rain or Shine noong Agosto 27, 88-92.