NI: Clemen Bautista

SA kasagsagan ang mga rally laban sa rehimeng Marcos, isa sa mga isinisigaw ng mga raliyista at nakasulat sa mga hawak nilang placard ang mga katagang: “NAKAW NA YAMAN, IBALIK SA BAYAN!” Bukod dito, nakasulat din ang mga katagang:

“UTANG DITO, UTANG DOON, UTANG NA NATING LAHAT!”

Ang tinutukoy dito ay ang milyun-milyong dolyar na inutang ng pamahalaan sa mga international bank at mayamang bansa.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Nalubog sa utang ang iniibig nating Pilipinas noong panahon ng rehimeng Marcos. Ang mga rally ay sinasagot ng marahas na dispersal ng mga Metrocom at mga puli. Binobomba ng tubig, sa pamamagitan ng mga truck ng bumbero, ang mga raliyista. Kung minsan, gumagamit ng tear gas upang maging mabilis ang dispersal ng mga nagpoprotesta sa Mendiola (Chino Roces Avenue na ngayon), na malapit sa Malacañang.

Pinabagsak ng EDSA People Power Revolution ang rehimeng Marcos.

Lumayas ang diktador sa Malacañang at nagtungo sa Hawaii kasama ang buong pamilya at ilang miyembro ng gabinete. Doon na namalagi hanggang sa bawian ng buhay noong Setyembre 28, 1989. Ibinalik ang labi sa Pilipinas. Inilagak sa isang refrigerated crypt sa Ilocos, Norte at makalipas ang rehimen ng limang naging pangulo ng Pilipinas, sa kasalukuyang administrasyong Duterte, inilibing sa Libingan ng mga Bayani.

Sa simula ng panunungkulan ni dating Pangulong Corazon Aquino, isa sa Executive Order na kanyang nilagdaan ay ang pagtatatag Presidential Commission on Good Government (PCGG). Layunin nito na bawiin at maibaik ang nakaw na yaman ng mga Marcos. Sinasabing aabot sa 10 bilyong dolyar ang ninakaw at idineposito ng mga Marcos sa iba’t ibang bangko sa ibang bansa. Bukod pa ang mga mamahaling alahas, mga gold bar, mga mamahaling painting ng mga kilalang pintor sa Pilipinas at sa ibang bansa. Ang mga nabanggit ay ninakaw umano ni Marcos sa loob ng dalawang dekadang panunungkulan.

Sa paghahabol ng PCGG sa nakaw na yaman ng mga Marcos, umabot na sa P170 bilyon ang nabawi. Nabawi na rin ang ilan sa mga mamahaling alahas.

Sa isang bahagi ng talumpati ni Pangulong Duterte nitong Agosto 29, nabanggit niya ang plano ng pamilya Marcos na ibalik sa pamahalaan ang bahagi ng tagong yaman ng mga ito. Nang ihayag ni Pangulong Duterte ang planong pagbabalik ng bahagi ng kayamanan, hindi niya sinabi na iyon ay nakaw na yaman. Hindi rin inamin ng pamilya Marcos na ninakaw ito sa kaban ng pamahalaan. Ang ibinigay na dahilan ng pamilya Marcos: “Pinangangalagaan ni dating Pangulong Marcos ang ekonomiya ng bansa. Kaya lumabas na ang kayamanan ay itinago”.

Umani ng iba’t ibang pananaw at reaksiyon ang ating mga kababayan sa nasabing isyu. Nagulat ang iba sapagkat ngayon lamang mangyayari ito makalipas ang tatlong dekada. Maraming mambabatas at mga biktima ng mga karapatan pantao na humiling sa mga tagapagmana ng yumaong diktador na ibalik ang lahat ng nakaw na yaman na walang anumang kondisyon at haharaping pananagutan.

Ayon naman sa tagapagsalita ng Campaign Against the Return of Marcos to Malacañang (CARMMA), ang alok ng pamilya Marcos ay isang scam. Huwag umanong paniwalaan ang alok ng pamilya Marcos. May nagsabi rin na isa itong laro at plano ng mga Marcos na makabalik sa kapangyarihan. Si Gov. Imee Marcos ay tatakbong senador sa susunod na halalan at si dating Senador Bongbong Marcos ay tatakbong pangulo.

Samantala, naniniwala naman ni Gov. Imee na si Pangulong Duterte ang tatapos sa tatlong dekadang usapan tungkol sa umano’y bilyong pisong nakaw ng pamilya Marcos. Nagtanong naman ang ating mga kababayan na kung mamamagitan si Pangulong Duterte, maibabalik na kaya sa bayan ang nakaw na yaman?