Ni: Fr. Anton Pascual

MAHAL magkasakit.

Ito ang hinaing ng maraming Pilipino, kaya nga minsan ay medyo nagiging overacting (OA) na sa pag-iingat. Totoo nga bang mahal magkasakit sa Pilipinas?

Kapanalig, base sa opisyal na datos noong 2013, gumastos ng P296.5 bilyon ang mga Pilipino para sa out-of-pocket health expenses. Ito ay 56.3 porsiyento ng kabuuang total health expenditure na umabot sa P526.3 bilyon. Bukod dito, ang per capita o kada tao na health expense ay umaabot ng P5,360 noong 2012. Ibig sabihin, mahal nga magkasakit sa bansa.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Pagpasok pa lamang sa clinic o ospital, bayad kaagad ang hanap sa iyo at hindi paunang lunas ang maaari mong matanggap. At kahit mahal na nga ang bayad, minsan kailangan mo pa rin maghintay na magkaroon ng espasyo, kahit pa sa private hospitals, at kahit pa nagbayad ka na ng deposito. Makatarungan ba ito?

Ang kalusugan ay batayang karapatan ng bawat nilalang. Ayon nga sa United Nations, bilang tao, ang ating kalusugan natin at ng ating mahal sa buhay ay pang-araw-araw nating pangangailangan. Kahit ano pa ang ating lahi, kulay, kasarian o edad, ang kalusugan ang ating batayan at pangunahing kayamanan. Kung wala nito, mahirap makamit ang iba pa nating karapatan. Ang karapatan natin sa kalusugan ay kaugnay ng ating dignidad bilang tao.

Kaya nga napakalaking balakid ng kamahalan ng pag-access sa mga serbisyong pangkalusugan. Kahit pa libre itong makukuha sa mga health facilities ng bayan, may gastos pa rin para sa mga yaong nakatira sa mga napakalayo. At mahal pa rin ang gamot. Kahit pa libre ang konsultasyon, ang presyo ng mga gamot sa Pilipinas ay sinasabing isa sa pinakamahal sa Asya.

May pagbabago na ba sa aspetong ito ng ating lipunan? O lumaki lamang ang gastos natin sa pangkalusugan dahil maraming maralita ang namatay o naospital dahil sa isyu ng droga?

Bigyan nawa ng pansin ng pamahalaan ang isyu ng access to health. Ikumpara naman natin ang atensiyong ibinibigay ng pamahalaan sa iba pang mas mahalagang isyu ng bayan, gaya ng kalusugan. Ang budget ba sa kalusugan ay mas malaking hati sa pambansang budget? Ang sektor ba na ito ay may angkop na suporta mula sa pamahalaan?

Ayon nga sa Panlipunang turo ng Simbahan, partikular na sa Evangelium Vitae, ang kalusugan ay dapat lamang kasama lagi sa anumang usapang may kaugnayan sa “politics of human dignity.” Ayon sa dokumentong ito, napakahalaga na siguruhin ng ating mga pinuno na lahat ng indibiduwal ay may maayos na trabaho, at access hindi lamang sa edukasyon kundi maging sa kalusugan.