Ni: Tara Yap

ILOILO CITY – Wala pang isang linggo makaraang ihayag mismo ni Pangulong Duterte, kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na hindi na matutuloy ang pagtatalaga sa kontrobersiyal na si Chief Insp. Jovie Espenido bilang hepe ng pulisya sa Iloilo City.

Ito ang kinumpirma kahapon ni Chief Supt. Cesar Hawthorne Binag, director ng Police Regional Office (PRO)-6, kasunod ng pagkakapaslang sa umano’y pangunahing drug lord sa Western Visayas na si Richard “Buang” Prevendido.

Ayon kay Binag, iniutos ng Camp Crame na kanselahin ang paglilipat kay Espenido sa Iloilo City mula sa Ozamiz City sa Misamis Occidental.

Probinsya

Mag-inang menor-edad, natagpuang nabubulok na bangkay sa loob ng sariling bahay

Sinabi ni Binag na hindi niya alam kung may kinalaman sa pagkakapaslang kay Prevendido nitong Biyernes ng gabi ang desisyon ng Camp Crame na kanselahin ang paglilipat kay Espenido sa Iloilo City Police Office (ICPO).

Una nang hiniling ni Espenido na mailipat siya sa Iloilo City, na tinawag ni Duterte na “shabulized” at “bedrock” ng droga, kasunod ng pagkakapatay kay Ozamiz Mayor Rolando Parojinog Sr.

Si Espenido rin ang hepe ng Albuera, Leyte nang mapatay sa loob ng selda ang alkalde ng bayan na si Rolando Espinosa Sr. Kapwa nasa “narco-list” ng Pangulo sina Parojinog at Espinosa.

Sa selebrasyon ng National Heroes Day nitong Lunes, inihayag ni Duterte na pinagbigyan niya ang kahilingan ni Espenido.

Sinabi ni Duterte na mananatili kayang buhay si Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog—nasa narco-list din ng Pangulo—kapag si Espenido na ang hepe ng ICPO?

Kasunod nito, pinababa na sa puwesto si ICPO director Senior Supt. Remus Zacharias Canieso at itinalaga ni PNP chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa si Espenido bilang officer-in-charge.

Gayunman, ipinaliwanag ni Supt. Gilbert Gorero, tagapagsalita ng PRO-6, na hindi maaaring maging police director si Espenido, dahil batay sa patakaran ng pulisya, kailangang may ranggong senior superintendent ang hepe ng isang highly urbanized city na tulad ng Iloilo City.

Si Senior Supt. Henry Biñas ang uupong ICPO director, habang pansamantalang hepe sa siyudad si Senior Supt. Jesus Cambay.