Ni: Celo Lagmay
TUWING napapanood ko sa telebisyon ang nakadidismayang sistema ng public hearing sa Kongreso, naitatanong ko sa sarili: Hindi ba ang naturang kapulungan – Senado at Kamara – ay tanggapan ng itinuturing na kagalang-galang na mga mambabatas? Bakit nanggagalaiti sa pagtatanong ang mga mambabatas at mistulang sinisinghalan ang mga resource persons na iniimbitahan sa mga pagdinig? Ganito kaya ang mga paraan ng paghalukay sa makabuluhang mga detalye na lubhang kailangan sa pagbalangkas ng mga batas? In aid of legislation, wika nga.
Sa public hearing sa Senado kamakalawa, halimbawa, kaugnay ng masalimuot na anomalya na gumigiyagis sa Bureau of Customs, hindi magkamayaw ang halos pasigaw na pagtatanong ng mga senador. Dahil dito, halos mabulol sa pagsagot ang mga testigo; lumilihis sa sinumpaan nilang mga affidavit at lumilitaw na tsismis o hearsay ang kanilang mga testimonya. Ito marahil ang dahilan kung bakit ang ilan sa mga resource person ay nahahatulan ng contempt o desakato at nananatiling nakakulong sa Senado o Kamara hanggang hindi sila nagsasabi ng katotohanan.
Kapuna-puna ang pagsiklab ng galit ng ilang senador; halos magpang-abot at mistulang magdadambahan dahil sa magkakasalungat na interpretasyon sa pahayag ng mga testigo.
Hindi na bago ang ganitong mga eksena, kung sabagay. Maging sa batasan o parliament house sa iba’t ibang bansa ay nagaganap din ang singhalan, sigawan at mistulang pagsusuntukan ng mga mambabatas. Sa Taiwan, halimbawa, halos maghagisan ng silya ang mga miyembro ng parliament dahil din sa pagtalakay ng maiinit at kontrobersiyal na mga isyu.
Hindi natin pinanghihimasukan ang mga sistemang ipinatutupad ng mga mambabatas sa mga public hearing. Totoong dapat silang igalang. Marapat din namang igalang ang mga resource person, lalo na kung iisipin na ang ilan sa kanila ay higit pang kagalang-galang kaysa ibang mambabatas.
Sa pamamagitan ng mahinahong pagtatanong, natitiyak ko na mapalilitaw ng mga mambabatas ang katotohanan at makabuluhang mga pananaw na kailangan sa pagbalangkas ng makatuturang mga batas; masususugan ang mga panukala na hindi na nakatutugon sa pangangailangan ng makabagong panahon.
Palibhasa’y may matayog na pagpapahalaga sa misyon ng mga mambabatas, naniniwala ako na marapat lamang iwasan o bawasan ang pagsusulong ng walang kapararakang mga public hearing na malimit na nagiging eksena ng paghihiganti at paninirang-puri. Pangunahing misyon nila ang pagbalangkas ng mga batas at hindi ang pagyurak sa pagkatao ng sinuman.
Ang ganitong nakadidismayang paraan ng pagtupad ng tungkulin ay naglalantad lamang ng kawalan ng urbanidad ng ilang mambabatas.