Ni: Franco G. Regala

CAMP OLIVAS, Pampanga - Nasabat sa dalawang pinaghihinalaang big-time drug pushers ang 500 gramo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P2.5 milyon matapos silang maaresto sa anti-drug operation ng awtoridad sa Bulacan, nitong Huwebes.

Batay sa ulat na isinumite kay Chief Supt. Amador V. Corpus, bagong talagang Police Regional Office (PRO)-3 director, kinilala ni Bulacan Police Provincial Office director Senior Supt. Romeo M. Caramat Jr. ang mga suspek na sina Christopher Dave Domingo Colangoy, alyas “Dave”, 21, may asawa, ng Barangay San Vicente, Sta. Maria; at Janel Baldevia Roldan, alyas “Janel”, 20, ng Sapang Palay, San Jose Del Monte, Bulacan.

Ayon kay Caramat, nagsagawa umano ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Sta. Maria Municipal Police, sa pangunguna ni Supt. Raniel M. Valones, at naaresto ang dalawa sa Bgy. San Vicente.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nasamsam umano mula sa mga suspek ang malaking plastic bag na naglalaman ng tatlong sachet ng 500 gramo ng umano’y shabu, nagkakahalaga ng P2,500,000; P1,000 marked money; isang .22 caliber revolver na may dalawang bala; at drug paraphernalia.

Nakakulong na sina Colangoy at Roldan sa himpilan ng Sta. Maria Police at nahaharap sa kaso ng paglabag sa Sections 5, 11, 12 at 26 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165) at illegal possession of firearms.