Ni: PNA

MAHIGIT 30 taon na ang nakalilipas simula nang isara, pero nananatili pa ring matibay ang istruktura ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) matapos tumama ang sandamakmak na kalamidad sa bansa sa nakalipas na tatlong dekada, kabilang ang lindol noong 1990 sa Central Luzon, at ang matinding pagbuga ng abo ng Mt. Pinatubo nang pumutok ito noong 1991.

Nakapuwesto sa baybayin ng Bataan peninsula sa bayan ng Morong, hindi pa rin nagagamit at animo’y nalipasan na ng panahon ang noon sana’y kauna-unahang nuclear facility sa Asya.

Sa ocular inspection na isinagawa ng mga opisyal ng Department of Energy at National Power Corp. kamakalawa, nilibot ng mga mamamahayag ang buong pasilidad nito at ipinaliwanag sa kanila kung ano ang nagagawa ng BNPP.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa labas ng nasabing planta, makikita na nananatiling buo ang istruktura nito ngunit may iilang bitak sa palitada nito at kinakalawang na ang mga bakal, tubo, at mga tangke na bunsod umano ng pagkakalantad nito sa labas. Hindi na rin nakagugulat na kinakalawang na ang mga bubong nito na nagbunsod ng malakas na pagtagas ng tubig, dahil malakas ang ulan nang isagawa ang inspeksiyon.

Ang pagpasok sa nasabing pasilidad ay mistulang pagsilip sa nakalipas. Nakakamangha na ang bawat kagamitan na inilagay sa BNPP complex, kabilang ang mga nuclear reactor, noong 1980 ay maayos na napangalagaan.

Sinabi ni Reynaldo Punzalan, nangangasiwa sa pagsasaayos ng kuryente sa pasilidad at ngayon ay empleyado na ng Napocor nang matapos ang BNPP, simula nang magsara ang pasilidad ay wala sa kagamitan nito ang nagamit kaya lahat ng ito ay nananatili sa orihinal na kondisyon simula noong 1986, taon na dapat na nagsimula ang operasyon nito.

Gumagana ang BNPP katulad din ng ibang tradisyunal na power plant, kung saan ginagamit ang usok upang paganahin ang mga turbine na magbibigay ng kuryente. Ang ipinagkaiba lamang nito sa iba ay gumagamit ang BNPP ng uranium bilang heating element, sa halip na uling.

Katulad naman ng mga planta na pinagagana ng uling, pare-pareho rin ang water cooling system ng mga nuclear power plants na ginagamitan ng tubig-dagat. Upang maiwasan ang meltdown, na nagresula sa tatlong-milyang insidente sa United States, gumamit ang BNPP ng three-tier cooling system— kabilang ang running, backup, at standby systems—sa halip na ang karaniwang two-tier standard ng running at backup system.

“The BNPP was already high-tech when it was constructed in the early 1980s and before it was set to operate, upgrades were made, particularly the cooling system. Only the best materials, components and design were used for the facility. Safety protocols that were implemented here are at par with other nuclear power plants in the world,” ani Punzalan.

Dagdag pa niya, kabilang sa istruktura ng BNPP ang umano’y state-of-the-art seismic design na kung saan ang mga dingding nito ay hindi pantay-pantay upang maiwasan ang pagbibiyak ng mga konkreto nito sakaling lumindol.