Nina FER TABOY at FRANCIS WAKEFIELD
Patay ang tatlong sundalo habang 52 iba pa ang nasugatan sa pagsabog ng mga improvised explosive device (IED) sa matagumpay na pagbawi ng puwersa ng gobyerno sa Bangolo Bridge sa Marawi City nitong Huwebes, bisperas ng paggunita sa Eid’l Adha.
Ayon sa report ng Marawi City Police Office (MCPO), hindi pa nakikilala ang mga nasawing sundalo matapos na masabugan ng IED habang nagsasagawa ng clearing operation ang militar malapit sa tulay na nabawi sa mga teroristang Maute Group.
Ang Bangolo Bridge ang “strategic” na istrukturang nag-uugnay sa kanlurang Marawi sa “main battle area” sa silangan.
Una nang sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pahirapan ang clearing operations sa siyudad dahil sa mga IED na itinanim ng Maute sa battle zone.
Sa isang panayam, sinabi ni AFP Joint Task Force Marawi at Western Mindanao Command (WestMinCom) spokesperson Capt. Jo-Ann Petnglay, na kaagad na nagamot ang 52 na nasugatan sa shrapnel.
Kinumpirma rin ni Petinglay na limang terorista ang napatay nitong Huwebes ng mga sniper ng militar.
Bagamat tuluy-tuloy pa rin ang clearing operations sa Marawi hanggang kahapon, Eid’l Adha, hindi naman nagsagawa ng air strikes sa mga oras ng pananalangin.
Bukod sa Bangolo Bridge, may karagdagang 16 pang gusali ang na-clear ng mga sundalo sa mga pampasabog sa nakalipas na dalawang araw.
Sa huling tala, may kabuuang 620 terorista at 136 sa puwersa ng gobyerno ang napapatay sa Marawi.