Ni: Bella Gamotea

Patay ang isa sa apat na holdaper makaraang makipagbarilan sa mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police sa follow-up operation sa serye ng holdapan sa Quezon City, Manila, Pasay at sa Makati City kahapon.

Dead on the spot si Joemark Dela Serna y Tumpang, nasa hustong gulang, ng No. 23 Sampaguita Street, East Bagong Barrio, Caloocan City, na nagtamo ng mga bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Isinugod naman sa ospital ang isa pang suspek na si Jawee Mike Santos y Saguid, nasa hustong gulang, ng No. 436 Sampaguita St., East Bagong Barrio.

National

Diokno kay Ex-Pres. Duterte: ‘Tara na, i-set na natin ang date mo sa ICC!’

Arestado naman ang kanilang kasabwat na sina Rodolfo Dela Cruz, 25, ng No. 85 Filipino Avenue, Masigasig Compound Balong Bato, Quezon City; at Edmundo Sarmiento, Jr., ng No. 133 Concia St., San Andres Bukid, Sta. Ana, Maynila.

Sa inisyal na ulat ni SPO3 Noel Pardinas, ng Makati City Police, naganap ang panghoholdap sa panulukan ng Enrique at Filmore Sts., Bgy. Palanan ng nasabing lungsod, bandang 11:20 ng umaga.

Tinutukan ng baril at hinoldap ng mga suspek si Ras Brino, 57, Indian, sa nasabing lugar at lingid sa mga suspek na sinusubaybayan sila ng mga tauhan ng CIDG, sa pangunguna ni Chief Insp. Garman Manabat.

Matapos limasin ang mga personal na gamit ni Brino, papatakas na ang mga suspek nang masilayan ang mga pulis sa lugar kaya pinaputukan ng mga ito ang awtoridad na napilitang gumanti hanggang sa bumulagta si Dela Serna at sugatan naman si Santos.

Habang hindi na nakapalag sa mga pulis sina Dela Cruz at Sarmiento.

Napag-alaman na hinoldap din ng mga suspek ang pamangkin ni Brino, na hindi binanggit ang pangalan, sa Baclaran kamakalawa. Nakuha mula sa pamangkin ni Brino ang P26,000 cash.

Ang apat na suspek din ang sinasabing responsable sa tatlong beses na holdapan sa Quezon City at sa karatig lungsod.