Ni: Reggee Bonoan
NAPAG-USAPAN sa mediacon ng bagong Dreamscape Entertainment masterpiece na The Promise of Forever na may hawig daw ito sa Korean dramang Goblin na pinagbidahan nina Gong Yoo, Lee Dong Wok, Kim Go-eun, Yoo In-na, Yook Sungjae at Lee El na ipinalabas sa ABS-CBN kamakailan.
Nasulat namin nitong nakataang Martes na mala-Goblin ang The Promise of Forever base sa ipinakitang teaser na nagdiwang ng ika-145 taong gulang si Paolo na nakita sa cake.
Pero kinorek kami ng program manager na si Ms. Ethel Espiritu: “Malayo, kasi ‘yung Goblin may namatay at may reincarnation, dito sa Promise of Forever buhay siya.”
Si Paulo ang unang sumagot nang may magtanong kung ano ang pagkakaiba nito sa Goblin at sa pelikulang Age of Adaline (2015).
“Actually, matagal nang konsepto ito na nakasabit yata sa Dreamscape, parang five years ago or six years ago, narining ko rin itong concept na ito, hindi pa ako ‘yung artista. I would say it’s an original teleserye na pinaghirapan rin ng mga creatives natin to make it different and not to make it similar to Age of Adaline or even Goblin,” sey ni Paulo.
Excited naman ang leading lady ni Paulo na si Ritz Azul ngayong ipapalabas na ang The Promise of Forever at aminadong tensed pa rin sila kahit canned na ito or tapos nang i-shoot.
“Nagtagal siya sa pag-ere kasi nga sobrang inayos, ni-revise ang istorya kung baga, ini-aim namin ‘yung pagka-perfect ng show and bagong konsepto ito sa Filipinos. At saka ang kini-claim namin na tatanggpin ito ng mga tao kasi bago, fresh, masarap panoorin at kaming mga artista ay ginawa namin ang best namin para mapaganda ang show,” sabi ni Ritz.
“Marami rin kasing perks kapag canned na ‘yung show,” salo ni Paulo, “everything in post-production ay nakikita nila kung may kulang na kailangan nilang i-adjust. But more than that, ‘yung management rin naman kasi ang nagde-decide and sa tingin namin, ito ‘yung tamang panahon na napagdesisyunan nila para umere itong The Promise of Forever.”
Dagdag ni Ritz, “’Pag canned na, kumpleto na ‘yung story, ‘yung script, hindi nai-extend-extend, hindi na kung saan-saan pa pumupunta ‘yung story. Minsan nakakasawa na kapag humahaba, at least ito, canned na, hindi na mag-iisip ‘yung ibang tao na ‘ang haba naman nito, nakakasawa na,’ (kasi) buo na ‘yung mapapanood ng tao.”
“So sinasabi mo ba masama ‘pag canned na?” biro ni Paulo. ”Ayaw mong ma-extend ‘yung show?”
“Hindi ko sinasabing masama at hindi ko sinasabing hindi mai-extend, ang sabi ko, canned! Sabi ko ‘yung story buo na at na-edit na,” paglilinaw ni Ritz.
“O, nag-aaway na,” biro naman ni Ejay Falcon.
Kaya si Ejay naman ang natanong kung ngayon lang siya nagkaroon ng programang ‘canned’ na.
“Oo. Siguro ang advantage nga nito ay buo na ‘yung kuwento ‘tapos kung may konting i-reshoot, nagawa na namin ‘tapos napaghandaan,” sagot ni Ejay.
Naitanong din ang tungkol sa sensual scenes nina Ritz at Paulo considering na unang beses pa lang nilang magka-trabaho.
“Ako, alam ko namang aalalayan ako ni Paulo. Alam kong gentleman ka. Alam ko naman na hindi niya ako pababayaan and hindi ako sanay sa ganu’n scenes kasi NBSB (no boyfriend since birth). Inalalayan niya ako, sabi ko, ‘Ikaw na bahala kasi alam mo namang hindi ako sanay diyan, in fairness naman. ‘Tapos si Direk Darnell Joy (Villaflor) in-assure sa amin na magiging maayos ‘yung scenes, magiging romantic,” kuwento ni Ritz.
“Saka ginawa naman ‘yung scenes na hindi kabastos-bastos,” salo uli ni Paulo. “Sensual siya pero mas mapi-feel mo ‘yung love sa isa’t isa kaysa ‘yung actual na.”
In-assure nila na marami ang magagandang eksena sa The Promise of Forever lalo na ang mga lugar sa ibang bansa na pinuntahan nila.