Ni JUN FABON
Agad ikinulong at kinasuhan ang isang pulis at kasama nito makaraang maaktuhang bumabatak ng shabu sa ikinasang Oplan Galugad at buy-bust operation sa Barangay Kaligayahan, Quezon City, iniulat kahapon.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director Guillermo Eleazar ang mga inaresto na sina PO2 Porferio Justiniani Sarigumba, 37, nakatalaga sa Personnel Holding and Accounting Unit sa Camp Crame; at Junior Relapagos, 23, ng 1018 Sitio Looban, Bgy. Kaligayan ng nasabing lungsod.
Sa imbestigasiyon ng Fairview Police-Station 5, matapos makatanggap ng tip na may nagaganap na pot session sa bahay ni Sarigumba ay sinalakay ng mga operatiba ang Bistekville Bgy. Kaligayahan, dakong 10:00 ng gabi kamakalawa.
Nadatnan ng mga pulis sina Sarigumba at Relapagos na gumagamit ng ilegal na droga.
Nakuha mula sa mga suspek ang dalawang pakete ng umano’y shabu.
Kasalukuyang naghihimas ng rehas ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.