SA pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA), nagpaabot ng pakikiramay ang Pilipinas sa Amerika sa mga pagkasawi at labis na pinsalang idinulot ng Hurricane Harvey sa Texas sa nakalipas na mga araw. “Our hearts go to the people of Houston, including the thousands of our kababayans, who have gone through this terrible ordeal,” inihayag ni DFA Secretary Alan Peter Cayetano.

Bilang isang bansang madalas na sinasalanta ng mga bagyo, mauunawaan natin ang matinding pagdurusang pinagdadaanan ngayon ng mamamayan ng katimugang Texas. Makaraang manalasa ang bagyo—ang pinakamatinding tumama sa Texas sa nakalipas na mahigit 50 taon—nitong Biyernes ng gabi, matindi ang ibinuhos nitong ulan na nagpaapaw sa mga ilog, na nagpalubog naman sa kabahayan hanggang sa layong 150 milya. Umapaw ng record na 18 metro ang ilog ng Brazos sa timog-kanlurang Houston, ang taas ng tubig na hindi pa naitatala sa nakalipas na 800 taon.

Daan-daang katao ang na-rescue ng mga bangka at helicopter. Daan-daang libong bahay naman ang nawalan ng kuryente.

Isinara ang mga paliparan. Tigil-trabaho rin ang ikalawang pinakamalaking pabrika sa bansa, na nakabawas sa supply ng kuryente at nakaapekto sa buong timog-silangan ng Amerika. Tinatayang papalo sa $50 billion ang pinsala ng bagyo.

Masuwerte pa ring hindi marami ang nasawi—walong tao ang namatay at mahigit sa sampu ang nasugatan batay sa datos nitong Martes. Sa pagkukumpara sa Hurricane Katrina na sumalanta sa New Orleans noong 2005, pumatay ito ng 1,800 katao. Sa Pilipinas, aabot sa mahigit 6,300 ang nasawi sa bagyong ‘Yolanda’ noong 2013.

Binisita na ni President Donald Trump ang Texas nitong Martes makaraang lagdaan ang isang disaster proclamation na naglunsad ng malawakang ayuda mula sa pamahalaan. Sinabi ni Texas Gov. Greg Abbott na nasa 50 county ang naideklarang disaster areas at dahil walang nakikitang pagkilos ang Hurricane Harvey na papalabas na ito sa lugar, marami pang pag-ulan at baha ang inaasahan sa mga baybayin, kasama na ang timog-kanlurang Louisiana.

Ang hindi pangkaraniwan na mapaminsalang bagyo ay maituturing na patunay ng mga pagbabago sa klima na nangyayari ngayon sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Naniniwala ang mga siyentista na ang pagtindi ng mga kalamidad ay epekto ng lalong tumataas na pandaigdigang temperatura na dulot ng nadadagdagang carbon dioxide emissions sa mauunlad na bansa sa mundo, sa pangunguna ng Amerika at China. Sa nilagdaang Paris Climate Change Agreement noong 2015, 195 bansa ang nagkasundong magsasakatuparan ng mga programa sa kani-kanilang bansa para sa pandaigdigang pagsisikap na malimitahan ang pandaigdigang pagtaas ng temperatura sa hindi aabot sa 2 degrees Celsius over pre-industrial levels.

Gayunman, sa pagsisimula ng kanyang administrasyon ay binawi ni President Trump ang suporta ng Amerika sa Paris Agreement, dahil nakita niyang negatibo itong nakaaapekto sa coal industry ng Amerika na ang mga manggagawa ay labis na sumusuporta sa kanya. Ngayong sinalanta ang Amerika ng matinding kalamidad na hindi pa kailanman naranasan sa nakalipas na daan-daang taon, kailangan na marahil na pag-isipan niyang muli ang kanyang polisiya sa climate change.

Sa ngayon, nakikiisa tayo sa buong mundo sa pakikiramay sa mamamayan ng Texas at Louisiana na labis na nagdurusa at patuloy na sasalang sa pagsubok na dulot ng nakalululang pinsalang hatid ng Hurricane Harvey.