Ni: PNA
BUMALIK sa kanyang bayang sinilangan si Miss Earth Philippines-Fire 2017 Nellza Mortola Bautista upang gawin ang kanyang pinakamamahal — ang adbokasiya para sa kapaligiran.
Tubong bayan ng Villanueva sa Misamis Oriental, kinoronahan si Bautista noong nakaraang buwan kasabay ng apat pang kandidata na nagwagi, at bahagi ng “elemental court” ng nagwaging Miss Philippines Earth na si Karen Ibasco.
Sa pagbabalik niya sa kanyang bayan nitong nakaraang linggo matapos ang sunud-sunod na environmental advocacies sa Manila, inihayag ni Bautista na pagtutuunan niya ng atensiyon ang paghahatid sa kamalayan ng publiko ng tamang pangangasiwa sa basura, partikular sa kanyang mga kababayan.
“Mother Earth can live without us, but we cannot live without Mother Earth,” aniya sa isang panayam sa telepono nitong Lunes.
Sinabi ni Bautista na inaasahan niyang makakatrabaho niya ang mga lokal na opisyal ng Villanueva upang maisakatuparan nang lubusan ang naipatupad ng mga batas tungkol sa pangangasiwa ng basura “at the household level”.
Sa kanyang panig, inihayag ni Villanueva Mayor Jennie Rosalie Uy na napapanahon ang adbokasiya ni Bautista, at sinabing may problemang kinakaharap ang lokal na pamahalaan sa pangangasiwa ng basura.
Binanggit din ni Uy na ang adbokasiya ni Bautista para sa kalikasan ay magiging kapaki-pakinabang para sa Villanueva, isang maunlad na bayan na nasa 29.4 na kilometro sa silangan ng Cagayan de Oro City, at mayroong mga pabrika, planta, at iba pang establisimyento.
Pinuri rin ni Uy si Bautista sa pagbibigay ng karangalan sa kanilang bayan, at sinabing ito lamang ang nag-iisang kandidata mula sa Mindanao na nakapasok sa final round ng Miss Earth Philippines ngayong taon.