Ni: Argyll Cyrus B. Geducos

Upang malaman kung may nangyayarin pang-aabuso sa kapangyarihan, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang mga miyembro ng media ang dapat manguna sa anti-illegal drugs operation ng Philippine National Police (PNP).

Ito ay matapos mapansin ng Pangulo ang madalas na paggamit ng katagang “nanlaban” ng mga pulis at media sa tuwing may namamatay sa police operations.

Nabanggit ni Duterte ang ideyang ito sa pagtalakay niya sa pagkamatay ng 17-anyos na si Kian delos Santos, na sinasabing unang bumaril sa mga operatiba ng Caloocan City Police, na taliwas sa security footage at sa salaysay ng saksi.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

“Ang problema ninyo (media) kasi ‘pag may namatay [pinatay agad ng pulis]—well, of course, except for ‘yung kay Kian,” pahayag ni Duterte, tinutukoy ang naging pahayag ni United Nations (UN) special rapporteur Agnes Callamard kaugnay ng umano’y extrajudicial killings sa bansa.

“Kaya sabi ko, ‘Next time ‘pag ka ganung operation, dalhin mo ang media.’ You invite the media para ma-document,” dagdag niya.

“But in order the documentation to be complete and clear, ang media ang paunahin mo. Cover lang kayo sa kanila,” pagbibiro ng Pangulo.

Gayunman, may hiling si Duterte sa mga miyembro ng media.

“But media, be sure to make an accurate and true portrayal of the incident. Ang pinakasiguro niyan, kayo ang mauna,” pahayag ni Duterte.

Idinagdag ng Pangulo na dapat ding siguruhin ng media ang kanilang mga gamit, partikular na ang kanilang mga camera, ay gumagana.