Ni: Celo Lagmay

NATITIYAK ko na walang nagkibit-balikat nang pinarangalan ng University of the Philippines (UP) si Tina Monzon-Palma bilang 2017 Gawad Plaridel awardee. Ang naturang karangalan ay simbolo ng pagkilala sa kanya bilang natatanging broadcast media practitioner sa loob ng nakaraang mga dekada.

Totoong marami nang karangalang iginawad kay Tina mula sa kilalang mga organisasyon dahil sa makatuturang misyon na ginampanan niya sa larangan ng pamamahayag. Bukod sa pagiging tanyag na news anchor, nagtaguyod din siya ng mga television programs na kinapulutan ng mga gintong-butil, wika nga, para sa makabuluhang pakikipagsapalaran at pakikipagkapwa-tao.

Bilang isang well-rounded broadcast journalist, naikot ni Tina ang halos lahat ng TV networks – ABS-CBN, GMA-7, TV-5 at maging ang mga television stations na pag-aari ng gobyerno. Hanggang ngayon, aktibo pa rin siya sa naturang propesyon na natitiyak kong naging bahagi na ng kanyang buhay.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang ganitong paninindigan ay napatunayan ko nang siya ay maging bahagi ng National Press Club of the Philippines noong ating panunungkulan noong dekada ‘90. May pagkakataon na siya, kasama ang isa ring tanyag na broadcast journalist na si Dong Puno, ay maging master of ceremonies sa NPC Gridiron Night. Naniniwala ako na hindi ito ang naging batayan ng UP Gawad Plaridel. Gayunman, ang matapat na kooperasyon ni Tina – at ng iba pang broadcast journalist – ay laging pinahahalagahan ng NPC.

Hindi ko maaaring palampasin ang pagkakataong ito upang bigyang-diin ang paninindigan ng NPC leadership hinggil sa mistulang paghimok sa mga broadcast journalist na maging bahagi ng naturang organisasyon ng mga mamamahayag.

Pinangunahan ko ang mistulang pagbubukas ng pinto, wika nga, para sa nabanggit na mga kapatid natin sa propesyon. Sa kabila ito ng mahigpit na pagtutol ng mga senior print journalists na laging naninindigan na ang mga kauri lamang nila ang may karapatang maging legitimate NPC members.

Pinagiting natin ang ating paniniwala na hindi lamang... ang mga print journalist ang marapat maging bahagi ng NPC.

Naniniwala ako na ang lahat ng mamamahayag, bukod sa broadcast journalists kundi maging ang mga correspondents, photo journalists at iba ay nararapat maging bahagi ng NPC na laging itinuturing na second home of media practitioners.

Nakatutuwa na ang ating mga kapatid sa pamamahayag ay nagkakasama-sama sa NPC building pagkatapos ng kanilang mga gawain sa iba’t ibang media outfit.

Walang dahilan upang pagkaitan ang mga media practitioners, bukod sa mga broadcast journalist, upang maging NPC members. Makabuluhan ang kanilang misyon sa pangangalap ng mga impormasyon na dapat malaman ng sambayanan.