Nina ARGYLL CYRUS GEDUCOS, JUN FABON, at FER TABOY

Inamin ni Pangulong Rordrigo Duterte na siya ang dahilan kung bakit natatagalan ang paglipol ng puwersa ng gobyerno sa mga terorista ng Maute Group sa Marawi City, Lanao del Sur, kaya naman umabot na sa 100 araw ang bakbakan nitong Miyerkules.

Sa kanyang speech sa ika-23 anibersaryo ng Technical Educational and Skills Development Authority (TESDA) sa Taguig City nitong Miyerkules ng gabi, sinabi ni Duterte na ayaw niyang bombahin ang mga mosque dahil higit lang na magkakagulo.

“Matagal na ‘yan sa on deck na talagang gusto bobombahin ang mosque to capture or kill the leaders there and in the process, sacrifice [the] hostages who are all Filipinos, maybe Maranaos and a mingling of Christians, Tagalog, nandiyan,” sabi ni Pangulong Duterte.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Sabi ko, ‘ayaw ko’. Kaya natagalan ‘yan, sabi ko, ‘Huwag, mahirap ‘yan’,” dagdag niya.

Gayunman, binanggit ng Pangulo na sinabihan siya ng ilang senador na darating ang panahon na kailangan na niyang tigilan ang pagsaway sa militar sa mga plano nitong gawin.

Sinabi ni Duterte na ipinauubaya na niyang lahat ngayon sa militar ang mga magiging hakbangin nito laban sa Maute.

“The last time I was there (Marawi), that would be around five days ago, six days ago, I finally said, ‘The option is already yours because we cannot have a stalemate for over one year’,” sabi ni Duterte. “Ayaw ko talagang pumayag (sa pambobomba sa mosque). It will generate more hatred instead of healing. Pero matagal na kasi, it’s out of my hands already.”

DELIKADO SA RESBAK

Sa pagkamatay kamakailan ng ama ng Maute Brothers na si Cayamora Maute ay nangamba ang militar sa resbak ng mga terorista, at baka umabot pa ng isang taon ang bakbakan sa Marawi.

Sa pagsapit ng bakbakan sa Marawi sa ika-100 araw, dumalo ang Pangulo sa command conference kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para sa security updates.

Ayon sa huling report ng AFP-Western Mindanao Command (WestMinCom), may kabuuang 617 miyembro ng Maute ang napatay, habang may kabuuang 667 armas ng kaaway ang nakumpiska.

Nasa 133 naman ang nasawi sa panig ng gobyerno, habang may 40 pa ang bihag ng mga terorista sa mosque.

IED, CHILD WARRIORS

Una nang inihayag ng AFP na nahihirapan sila dahil bukod sa mga nakatanim na improvised explosive device (IED) ay gumagamit pa ng “child warrior” ang Maute Group kahit pa nasa 500 square meters na lamang ang distansiya ng militar sa kuta ng mga kalaban sa Marawi.

Ayon kay Capt. Joan Petinglay, tagapagsalita ng Joint Task Force Marawi, nasa edad 10-15 ang mga batang mandirigma ng Maute.