Ni: Ric Valmonte

SA ika-5 pagdinig ng Senate blue ribbon committee kaugnay ng P6.4-billion shabu shipment na naipuslit sa Bureau of Customs (BoC), sa pagtatanong ni Sen. Antonio Trillanes, sinabi ng nag-resign na pinuno ng BoC-Intelligence and Investigation Service na si Neil Anthony Estrella na nakita niya si Mans Carpio na papalabas ng opisina ni dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon.

Pagkatapos ng pagdinig, sa panayam sa media, sinabi ni Trillanes na dumalaw nang dalawang beses sa BoC si Paolo Duterte, samantalang limang beses naman si Carpio, ayon sa kanyang informants.

“Kung ikaw ay miyembro ng maimpluwensiyang pamilya, hindi ka dapat nakikita sa sensitibong ahensiya (BoC) dahil ang iisipin ng taumbayan ay naririto ka para impluwensiyahan ang pagpasok at paglabas ng kargamento,” wika ni Trillanes.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Si Paolo Duterte ay anak ni Pangulong Digong, samantalang si Carpio ay kanyang manugang. Maybahay ni Carpio ang anak ng Pangulo na si Mayor Sarah Duterte ng Davao City.

Nang tanungin ng media si Chairman Richard Gordon kung iimbitahan niya sina Paola at Carpio sa pagdinig, sinabi niya na kailangan ni Trillanes na maglabas ng ebidensiya na magpapatunay na sangkot sa ilegal na gawain ang dalawa bago niya ito gawin.

Maaaring tama si Gordon na hindi niya imbitahan si Paolo sa ngayon. Ngunit, dapat niyang imbitahan si Carpio dahil aminado itong nagpupunta sa BoC. “Tungkulin ko bilang abogado,” sabi ni Carpio, “na humarap sa mga ahensiya ng gobyerno para sa aking mga kliyente.” Puwedeng hindi ito legal, pero ito ay immoral. Una, matatanggihan ba siya ng kahit sinong nasa gobyerno sa kanyang pakiusap para sa kanyang kliyente? Ang takot lang nito lalo na at ang kanyang biyenan ay walang pormalidad kung mag-dismiss ng kanyang opisyal. Ikalawa, hindi kaagad patas ang playing field para sa lahat ng mga taong may transaksiyon sa ahensiya lalo na ang BoC. Lamang na ang mga kliyente ni Carpio dahil walang hadlang para makausap niya ang pinakamataas na opisyal ng ahensiya. Ikatlo, napakadali ng kurapsiyon. Lahat ng mga negosyanteng nagnanais na mailabas kaagad ang kanyang kargamento at may panlagay ay sa kanya lalapit. Wala nang pagkakaiba ang lagay at attorney’s fee.

Ikaapat, at ito ang pinakamatindi na maaaring nangyari sa shabu shipment. Dahil maimpluwensiya ang naglalakad na mailabas ang kargamento, hindi na ito sinisita o sinusuri. Ang may-ari ng kargamento ay wala nang takot... na saksakan ito ng mga kontrabando, hindi lang para mabawi ang kanyang ipinansuhol kundi para kumita pa nang malaki.

Hindi na kailangan ang ebidensiya para ipatawag ni Gordon si Carpio sa pagdinig. Iyong siya ay manugang ng Pangulo at nag-aabogado para sa mga kliyenteng may transaksiyon sa BoC ay sapat na. Masama ito sa panlasa na dapat itigil o lagyan ng limitasyon. Ang layunin naman ng imbestigasyon ng Kongreso ay hindi para papanagutin at patawan ng parusa ang mapapatunayan nitong nagkasala, na rito ay kailangan ang ebidensiya, kundi para gumawa ng batas para maremedyuhan ang gawaing labag sa kapakanan ng bayan. Sa ginagawa ni Gordon, ginagamit niya ang kanyang komite na pang-damage control sa mga taong dapat kunan ng mga sariwang impormasyon.