Ni: Mary Ann Santiago
Nasa 29 na miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) at ilang residente ang inaresto ng awtoridad habang 22 pa ang sugatan nang mauwi sa gulo ang kanilang kilos-protesta sa pagtatangkang pigilan ang demolisyon sa 1,000 bahay sa Barangay Sta. Lucia, Pasig City kahapon.
Idiniretso sa presinto ang mga inaresto habang nilapatan naman ng lunas ang 22 sugatan na binubuo ng mga Kadamay, mga residente, mga bumbero, at pulis.
Sa ulat ng Pasig City Police, umaga pa lamang ay nagkilos-protesta at binarikadahan ng mga Kadamay at mga residente ang kanilang lugar upang pigilan ang nakaambang demolisyon.
Binigyan ng Pasig City Police ng hanggang 12:00 ng tanghali ang mga residente upang umalis sa kanilang bahay ngunit nagmatigas ang mga ito kaya napilitan ang awtoridad na sapilitan silang paalisin, bandang 1:45 ng hapon.
Nanlaban ang mga residente at namato ng mga bato at bote kaya nauwi sa kaguluhan sa demolisyon.
Gumamit din ng water canon ang mga bumbero upang matigil ang gulo na tuluyang namayapa makalipas ang halos isang oras.