Nina BETH CAMIA, ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at BERT DE GUZMAN

Tetestigo sa reklamong katiwalian laban kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ang dalawang mahistrado ng Supreme Court (SC).

Sa isang forum, sinabi ni Atty. Lorenzo “Lary” Gadon na mabigat ang ebidensiya na ilalahad ng dalawang mahistrado at tiwala siya na madidiin nang husto si Sereno.

Hindi pinangalanan ni Gadon ang mga alas niyang mahistrado ngunit sinabing sesentro ang kanilang testimonya sa mga maling pamamalakad ni Seremo.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Dumistansiya ang Malacañang sa impeachment complaint laban sa chief justice.

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, iginagalang ng executive branch ang separation of powers.

“Being their co-equal, we recognize the exclusive power of the House of Representatives to initiate all cases of impeachment,” saad sa pahayag ni Abella.

“A verified complaint for impeachment may be filed by any citizen upon a resolution or endorsement by any member of the House of Representatives,” dagdag niya.

Inihain ni Gadon, dating abogado ni Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo, ang reklamo sa Office of the Secretary General nitong Miyerkules ng gabi.

Binanggit ni Gadon ang diumano’y illegal na pagkakaloob ng mga allowance at pag-isyu ng mga resoluyon nang walang approval ng Court en banc, na ilan sa mga batayan para sa hiling na tanggalin si Sereno.

Noong nakaraang linggo, nagpahayag ng kumpiyansa si Sereno na hindi magtatagumpay ang anumang hakbang para alisin siya sa puwesto.

“Nothing can be proven against me that will show that the chief justice has betrayed her oath of office,” anang Sereno.

May 25 mambabatas ang nag-endorso sa impeachment complaint ni Gado. Sila ay sina Deputy Speakers Gwendolyn Garcia, Mylene Garcia-Albano Ferdinand Hernandez, at Frederick Abueg, Reps. Edgar Mary Sarmiento, Anthony Bravo, Arnel Ty, Rodolfo Albano, Francisco Jose Matugas II, Aurelio Gonzales, Jr., Joel Mayo Almario, Romeo Acop, Federico Sandoval II, Vincent Crisologo, Pedro Acharon, Xavier Jesus Romualdo, Gil Acosta, Ann Hofer, Winston “Winnie” Castelo, Jericho Jonas Nograles, Robert Ace Barbers, John Marvin Nieto, Roger Mercado, Jennifer Austria Barzaga, at Lorna Bautista-Bandigan.