Ni: Dave M. Veridiano, E.E.

MAY nasagap akong magandang balita mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) para sa mga mamamayang namomroblema sa pagkuha o pagre-renew ng passport.

Pangunahing problema ng mga overseas Filipino workers (OFW) at ng iba pang nais lumabas ng bansa ang pagkuha o renewal ng kanilang passport dahil sa hirap umanong makakuha ng appointment slot sa DFA. Kadalasan, dito sila napapagastos nang malaki – kumakagat sa matatamis na dila at mapagsamantalang fixer na nagkalat sa paligid ng DFA at maging sa mga business transactions sa mga “online” site sa Internet.

Matapos magsagawa ng ilang pagbabago sa sistema ng DFA, nitong nakaraang Agosto 25 ay nagbukas ng karagdagang daang libong appointment slot para sa mga kukuha ng kanilang passport at mga magre-renew para sa kasalukuyang buwan.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Ayon kay Assistant Secretary Frank Cimafranca, ng Office of Consular Affairs (OCA), umabot na sa 94,350 ang karagdagang slot na nabuksan mula Hulyo hanggang Agosto, bukod pa ito sa daang libong sinimulang buksan noong Biyernes.

Ayon kay Cimafranca, halos nadadagdagan ng 62,450 slot ang mga appointment na binuksan noong nakaraang buwan matapos pataasin ng DFA ang appointment quotas ng bawat consular office, samantalang ang natitirang 31,900 ay nanggaling naman sa pagtatanggal at pagsasaayos ng mga bogus appointment na gawa ng mga nananamantala.

“Ang nais natin ay makapagbigay ng mas mabilis at epektibong serbisyo sa mas maraming tao, kaya kinakailangan na maisaayos ang mga slot na iyon. At ‘yun ang ginawa namin,” dagdag ni Cimafranca. Sinabi pa niya na ang mga nadagdag na mga slot ay may katumbas na karagdagang empleyado na mangangasiwa sa pagpoproseso ng mga dokumento.

Ang tanggapan ng DFA sa Aseana ang pangunahing nagpoproseso ng mga passport at dahil sa nadagdag na workforce nito, pumanhik sa 73.6 porsiyento ang itinaas ng output nito – mula sa 1,900 appointment ay naging 3,300. Bukod dito, napabilis ang trabaho kaya napaaga na rin ang schedule ng halos may 1,000 appointment at nagresulta ito sa nakagugulat na pagbaba ng bilang ng mga suspended application na nasa ilalim pa ng imbestigasyon. Mantakin ninyo, mula 33,000 noong ika-2 ng Agosto ay na-ZERO ito sa pinakahuling tala noong ika-18 ng Agosto. Nakabibilib na ma-“bokya” ang backlog ng opisina, ‘di ba?!

Upang tuluyang maiwasan ang pagkasayang ng mga slot, pinaalalahanan ng DFA ang senior... citizens, persons with disabilities, solo parents, mga buntis at menor de edad (7 taong gulang pababa) na maaari silang pumunta ng DFA kahit walang appointment kung nais magpa-renew o mag-apply ng passport. Personal lamang na magtungo sa DFA, pumila sa courtesy lane at ipakita ang kanilang mga valid identification (ID) card.

At ang ipinagdiriinan ng DFA— LIBRE LAMANG SA PUBLIKO ANG MGA APPOINTMENT SLOT – kaya ‘di kinakailangang magbayad para lamang makakuha o magpa-reserve… HUWAG magpaloko sa mga FIXER!

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]