Ni: PNA
NAGNEGATIBO sa avian influenza virus ang 39 na kataong nalantad sa mga manok sa mga lugar na mayroong bird flu outbreak at nagpakita ng mga sintomas.
Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DoH) nitong Martes.
“Sa ngayon, ang na-establish natin is lahat ng sakit ay confined sa manok or sa fowls. Wala pong na-transmit sa tao,” pahayag ni Health Secretary Dr. Paulyn Ubial.
Sinabi rin ni Ubial na ang nasopharyngeal swabs at mga blood sample na kinuha mula sa mga pasyente, na ipinadala at sinuri sa Research Institute for Tropical Medicine para sa mga confirmatory test, ay nagbigay ng negatibong resulta.
Ang mga pinaghihinalaang mga pasyente ng bird flu ay mga tauhan sa poultry farm na humawak o pumatay sa mga manok sa Pampanga at Nueva Ecija, kung saan mayroong bird flu outbreak.
Binanggit din ni Ubial na ang kawalan ng kaso ng pagkakahawa ng virus ng tao mula sa ibon ay nagpapahiwatig lamang na mababa ang posibilidad na mangyari ito sa bansang tropical gaya ng Pilipinas.
Ang H5N6 strain ng bird flu na natagpuan sa dalawang lalawigan ay ikinokonsiderang highly pathogenic, ayon sa director ng Research Institute for Tropical Medicine na si Dr. Socorro Lupisan.
Ibig sabihin nito, maaaring mauwi sa pagkamatay ng tao ang sakit kung hindi maaagapan at magagamot nang wasto kung lumabas na ang mga kumplikasyon, lalo kung ang pasyente ay mayroon nang iniindang sakit, tulad ng diabetes at alta-presyon.
Paulit-ulit namang binabalaan ng DoH ang publiko na mahahawa lamang sa vius sa pamamagitan ng direktang pagkakalantad sa mga manok o ibon, at sa mga taong humahawak at nagkakatay ng mga kontaminadong manok sa mga apektadong lugar.
Samantala, ipinahayag ng DoH na bagamat natapos na nitong Agosto 24 ang pagkakatay sa mga manok sa dalawang lalawigan, inaasahan nilang matatapos na sa Setyembre 3 ang monitoring sa outbreak, kung wala naman ni isang katao ang nahawahan ng virus.