Ni: Celo Lagmay
SA pagtatapos ngayon ng Buwan ng Wikang Filipino, nais kong makibahagi sa makabuluhang okasyong ito sa pamamagitan ng pagsariwa sa isang makabuluhan ding paligsahan sa pagsusulat, maraming taon na ang nakararaan. Itinaguyod noon ng gobyerno ang isang translation competition o timpalak sa pagsasalin sa ating wika ng isa sa makatuturang mensahe ni Pangulong Ramon Magsaysay. Nagkataon na ngayon ang anibersaryo ng pagsilang ng dating Pangulo na tinaguriang Man of the Masses o Idolo ng Mamamayang Pilipino.
Sa paggunita sa naturang okasyon, hindi ko na tatangkaing busisiin ang mga detalye hinggil sa wastong paggamit ng ating sariling wika. Ipaubaya na lamang natin ang maselang misyon sa ating kinikilalang mga dalub-wika na tunay na mga eksperto sa naturang lengguwahe. Manapa, nais ko na lamang bigyang-diin ang aking walang pagkukunwaring pagmamahal sa ating wika, sa kabila ng aking pagiging isang taal na Ilokano.
Ang paninindigang ito ay masasalamin nang tayo ay lumahok sa nabanggit na kompetisyon na nilahukan ng mga mag-aaral sa mataas na paaralan o high school students. Hinggil ito sa pagsasalin sa ating wika ng isa sa mga simulain ng dating Pangulo – Positive Nationalism o Tapat na Pagkamakabayan:
“Tinatawagan ko ang ating mga mag-aaral na, bilang pag-asa ng ating malayang bayan, itaguyod nila nang buong lakas at sidhi ang simulain ng tapat na makabayang Pilipino. Idinidiin ko ang salitang tapat sapagkat hanggang ngayon ay wala pang nakauunawa sa ating lahing makabayan na nararapat nating ipagmalaki. Hinihiling ko ang isang pagkamakabayang makatarungan, at hindi yaong nakasasama sa sarili. Ito’y hindi nangangahulugan na hindi na dapat pansinin ang ating mga pagkakamali at mga pagkukulang.
“Si Rizal na laging huwaran na gumamit ng pagpuna sa sarili nang walang pangamba at hindi minamasama ang isang kapurihang karapat-dapat sa ating sarili. Ang ibig kong ipakahulugan sa tapat na pagkamakabayan ay yaong ginagamitan ng damdaming tapat na Pilipino, ng ating mga karapatan, ng ating mga kaugalian, nang hindi pumapansin kung paano natin natamo ang mga ito, at papaunlarin sa mga ito ang isang kalinangang malinis na masasalaminan ng pagkamakabayan at ng mga tapat na hangarin.
“Hinihiling ko yaong isang pagkamakabayang nagpapalawak sa ating kabuhayan kaysa nagpapabalik sa walang-muwang na nakalipas. Kakaiba sa daigdig ng ating mga... ninuno, ang mundo sa ngayon ay lumiliit hanggang ang mga kaisipan at karanasan ng mga tao ay maging tigang na lupa kaysa mga buwan o mga taon. Ngunit ang mga pagsusumikap natin, kahit paano, na ang ating mga simulain ay magkaugat nang malalim sa lupa ng ating mga ninuno; hayaan natin ang ating talino na hanapin ang katwiran, liwanag, at sandigan para sa ikauunlad ng ating bansa, saan mang pook sa mundo matatagpuan ang mga ito.”
Bagamat hindi nagwagi ang naturang salin o translation, naipamalas naman natin, kahit paano, ang ating pagmamahal sa wika.