Ni: Aaron B. Recuenco

Nakatagpo ng kakaibang bagong kakampi ang Philippine National Police (PNP) sa kampanya nito kontra droga— ang Commission on Human Rights (CHR).

Pero maaaring maantala ang sana ay pagtutulungan ng PNP at ng CHR, na nagsimula sa pagpupulong ng pinakamatataas nitong opisyal na sina Director General Ronald dela Rosa at CHR Chairman Chito Gascon nitong Martes, makaraang hilingin ng huli ang case folders ng lahat ng pagkamatay na may kaugnayan sa illegal drugs.

“Chairman Gascon himself said that they are not against war on drugs, they are just against the possible human rights violations that are being committed as a result of the drugs war,” sabi ni dela Rosa.

Probinsya

Lalaking nambuhos ng mainit na kape sa jowa, sugatan matapos tagain at gantihan

Sinabi naman ni Gascon sa press briefing nitong Martes na suportado ng CHR ang pagsisikap ng PNP na masugpo ang problema sa illegal drugs sa bansa. Idinagdag niya na ang meeting ay mabuting simula ng positibong pagtutulungan ng dalawang ahensiya.

Ilang buwan nang nagkokontrahan ang dalawang ahensiya, na pinaigting ng mga pag-atake sa social media sa CHR na hayagang pinupuna ang PNP sa kuwestiyonableng kamatayan ng drugs personalities sa drugs war.

Kaya naman naglabas ang CHR ng all-out information drive na nagpapaliwanag sa tungkulin ng CHR at ng PNP — na ang pagsugpo sa mga krimen na kagagawan ng mga sibilyan ay tungkulin ng PNP at iba pang law enforcement agencies samantalang ang tungkulin naman ng CHR ay ipagtanggol ang mga sibilyang biktima ng pang-aabuso ng pamahalaan.

Sinabi ni Gascon na nagprisinta na sila ng mga mekanismo upang maihiwalay ang PNP sa mga alegasyon ng paglabag sa mga karapatang pantao sa drug war nito.

“He really wants to end the problem on illegal drugs. We will join forces,” sabi ni dela Rosa, batay sa kanyang isang oras na pakikipag-meeting kay Gascon nitong Martes.