Ni: Aris Ilagan

MISTULANG nabunutan ng tinik ang mga commuter matapos payagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Uber na magbalik-operasyon.

Ito ay matapos magbayad ang naturang transportation network vehicle service ng P190-milyong multa sa LTFRB bunsod ng sari-saring paglabag sa prangkisa nito.

Matatandaan na ikinairita ng LTFRB ang pagpapatuloy ng operasyon ng Uber sa kabila ng ipinataw nitong isang-buwang suspensiyon sa naturang TNVS ilang linggo lang ang nakararaan.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Inakala ng Uber na sapat na ang kanilang paghahain ng petisyon para sa temporary restraining order (TRO) hinggil sa ipinataw na suspensiyon sa kumpanya.

Napakamahal na leksiyon ang inabot ng Uber dahil sa pagmamatigas ng ulo.

Sa halip na sumunod ay idiniretso nila ang operasyon sa kabila ng ipinataw na suspensiyon.

Sunud-sunod ang mga kontrobersiyang kinasangkutan ng Uber. Akala ng naturang multi-national company ay kaya nilang banggain ang ‘city hall.’

Ano kayo, hilo?

Maski idaan n’yo sa mga influencer na mistulang jukebox tuwing sinisita ito ng LTFRB ay pumalpak din. Akala ng mga influencer ay madadaan nila ang LTFRB sa kanilang mga post sa social media upang mapalambot ang ahensiya. Hindi rin kayo umubra.

Maliwanag ang mensahe ng LTFRB sa Uber: Sumunod kayo sa batas.

Bukod sa pagbabayad ng P190-milyong multa, dumugo rin ang Uber sa pagbunot ng P299,244,000 sa kaban nito upang magbigay ng ayudang pinansiyal sa mga tsuper nitong nadiskaril ang hanapbuhay dahil sa suspension order.

Napakalaking halaga ang nawala sa Uber at marami ang nagtatanong kung paano nito babawiin ang mga lumabas na salapi.

Kasabay nito, nagdiriwang naman ang mga commuter dahil balik-operasyon na ang Uber.

Dahil dito, mas marami nang masasakyan ang mga commuter at hindi na sila magtitiis sa mataas na singil ng mga tsuper ng Grab taxi.

Maging ang mga habal-habal, na naglipana sa mga commercial district, ay sinamantala rin ang sitwasyon.

Sa kabila ng pagiging ilegal ng kanilang operasyon, doble o triple rin ang singil ng mga mokong sa biyaheng hindi hihigit sa apat na kilometro. Dati, P20 lamang ang singil ng mga habal-habal driver sa kahalintulad na distansiya subalit lumobo ito sa P50 o higit nang pansamantalang nawala ang Uber.

Ano kaya ang mangyayari sa operasyon ng Uber matapos itong makatikim ng matinding multa mula sa gobyerno? Susunod na kaya ito sa batas at hindi na lang basta-bastang magtataas ng taxi fare?

Mababawasan kaya ang angas ng mga namumuno rito, at maging ang mga influencer na kanilang pinopondohan upang batikusin ang gobyerno at ipagtanggol ang naturang TNVS?