Ni: Bert de Guzman
MAITUTURING na “un-Islamic” ang ginagawa ng teroristang Maute Group (MG) na inspirado ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa pangangalap (recruitment) ng mga kabataan para isabak sa labanan kontra tropa ng gobyerno. Sabi ni Zia Alonto Adiong, spokesman ng Lanao del Sur provincial crisis management committee, na ang gawaing ito ng MG-IS-Abu Sayyaf ay “Illegal, immoral and un-Islamic.”
Isang ina, si Rowhanisa Abdul Jabar, ang tumitingin sa Facebook (FB) nang makita niya ang larawan na ipinost ng IS jihadist group na litrato ng mga bata na may bitbit na armas. Parang namukhaan niya ang isang 10-anyos na lalaki na kahawig ng kanyang anak na si Ram-Ram na dinukot noong 2010 nang siya’y 3-anyos pa lamang.
Ang dumukot daw sa kanyang anak ay ang kanyang katulong na si Ula Aroda. Ang kanyang mga kasamahan sa pagdukot ay hindi pa nakikita o nahuhuli hanggang ngayon. Gusto ni Rowhanisa na tulungan siya ng militar upang alamin kung ang batang nasa FB ay ang anak niyang si Ram-Ram.
May mga report na nangangalap ang MG-IS-ASG ng mga bata upang gawing “Child Warriors” laban sa gobyerno. Madali raw silang kumbinsihin dahil mura ang isip at hindi batid ang tunay na layunin ng Maute-IS Group. Madali rin silang sumama sa teroristang grupo dahil binibigyan ng pera at pinasusuweldo ang mga magulang mula sa limpak-limpak na salaping galing sa kidnapping at extortion.
Sa pagkamatay ng 17-anyos na si Kian Loyd delos Santos sa kamay ng mga tarantadong pulis, parang nagigising na ang mga tao sa brutal na giyera sa droga ng Duterte administration. Sumiklab ang pambansang galit (outrage) sa pagpaslang kay Kian na hindi naman durugista, walang bakas ng pulbura sa kamay, at nagmamakaawa pa sa mga gagong pulis na “Maawa kayo, may test pa ako bukas.” Nagigising na ang taumbayan sa maramihang pagpatay, pero hanggang ngayon ay laganap pa rin ang droga. Unti-unti, parang nawawala na rin ang kanilang takot.
Nagigising na ang mga Pinoy sa katotohanang karamihan sa itinumba ng mga pulis ni Gen. Bato ay pawang mahihirap at kabilang sa nasa “laylayan ng lipunan”, mga gutom, walang trabaho, walang sapin sa paa. Samantala, ang mga mayayaman, mga panginoon ng droga na big-time shabu smuggler-suppliers ay napapalusot ng mga ito sa Bureau of Customs (BoC), hindi binabaril kundi pinagpapaliwanag sa Senado o kaya ay sa National Bureau of Investigation.
Naniniwala ang mga tao ngayon sa kasabihang “Tama na, Sobra na.” Itigil na ang mga pagpatay sa mahihirap, na ang iba ay mga bata o menor de edad, na nadaramay sa brutal na drug war. Hindi raw masasawata ang illegal... drugs, ayon sa mga eksperto, habang may mga drug smuggler at supplier sa Customs. Hindi mawawalan ng shabu sa bangketa, kalye, sulu-sulok, barong-baruyong at barangay dahil sa puslit na mga droga mula sa BoC at high-end villages.
Itumba ang mga panginoon ng bawal na droga. Itumba ang drug smugglers/suppliers. Hanggang hindi sila naitutumba o nasasawata, walang mangyayari sa anti-drug war sapagkat patuloy na magkakaroon ng droga sa iba’t ibang lugar ng bansa habang ang patuloy na itinutumba ay mahihirap at gutom na mamamayan!