Ni REGGEE BONOAN

UNANG kita pa lang namin sa poster ng pelikulang Love You To The Stars and Back nina Julia Barretto at Joshua Garcia, nasabi kaagad namin na, ‘kikita ‘to.’ Napuna rin agad ng marami pang ibang movie buffs ang kakaibang konsepto ng poster na siyempre pang sumasalamin sa tema ng pelikula mismo.

Ngayon lang gumawa ang Star Cinema ng poster na magkabaligtad ang ulo ng dalawang bida -- na may design ng cityscape sa picture ni Julia at countryside naman kay Joshua.

JULIA DIREK TONETTE AT JOSHUA_please crop the letters copy copy

Human-Interest

Bakit laging panalo? Netizens, napa-research sa mga nagawa ni Sen. Lito Lapid

Inakala pa na ginaya ang poster at kuwento sa The Fault in Our Stars na ipinalabas sa Pilipinas noong 2015 pero hindi, napakalayo.

Kaya habang tinitipa namin ang item na ito kahapon ay panay ang kumusta namin sa aming sources sa resulta ng first screening ng ikalawang pelikula nina Joshua at Julia. Excited kaming malaman dahil pinakilig, pinatawa at pinaiyak nila kami nang husto nang mapanood namin ang pelikula sa premiere night.

Kinilig kami dahil cute at bagay ang tambalan nina Josh at Julia. Pinatawa kami ng mga simple lang nilang eksena na bentang-benta rin sa mga nakasabay naming nanood. Pero pinaiyak din kami nang husto sa mga eksenang nag-i-struggle na si Caloy (Joshua) dahil sa sobrang sama ng loob sa tatay niya na hindi man lamang siya nilabas nu’ng dalawin niya sa bahay nito, bagkus ay pinaabutan ng pera sa kasambahay na ikinainsulto siyempre ng anak.

Gusto lang naman ni Caloy na makita’t mayakap ang ama dahil may taning na ang buhay niya at kilalanin din siya bilang anak sa ibang babae pero hindi nangyari, kaya umalis na lulugo-lugo at punumpuno ng galit ang binata. Binalikan siya ni Mika (Julia), kaya napadpad sila sa malaking tulay at doon naglabas ng galit ang binata.

Nakakaiyak ang eksena nila sa tulay dahil kinuwestiyon ni Caloy ang Diyos kung bakit siya nagkaroon ng kanser at bakit hindi siya kinikilala ng tatay niya at itinaboy si Mika hanggang sa manghina at napahiga siya.

Habang nahihirapan si Caloy sa kanyang sakit, naisip ni Julia na wala namang dahilan para kunin siya ng alien, isang paniniwalang namana niya sa kanyang ina (Carmina Villaroel) na pumanaw na.

Hindi matanggap ng dalaga na wala na ang kanyang ina at may bago nang asawa (Maricar Reyes-Poon) ang tatay (Ariel Rivera) niya at magkakaroon pa siya ng kapatid.

Tuluyan nang nagrebelde si Mika nang marinig na magkakaroon ng kapatid kaya umalis ng bahay para pumunta sa Mt. Milagros, sa paniniwalang naroon ang alien na sumundo sa kanyang ina.

Maraming mga eksenang kahanga-hanga ang acting nina Joshua at Julia lalo na kung iisipin na ikalawang pelikula pa lang nila ito pero isinabak na kaagad sila sa heavy drama. Kitang-kita na puwede na silang makipagsabayan sa mga beteranong artista.

Binati namin ang direktor ng Love You To The Stars and Back na si Antoinette Jadaone dahil nakagawa uli siya ng indie kahit Star Cinema ang nagprodyus nito.

Tama si Bossing DMB, si Direk Tonette talaga ang nagpasimula ng nauusong pelikula na dalawa lang ang karakter pero sustained ang interes ng mga manonood. Nagsimula ang lahat sa That Thing Called Tadhana nina Angelica Panganiban at JM de Guzman. Walang nag-akala noon na magiging blockbuster ang indie movie na iyon.

Mas gusto niyang magdirek ng pelikula na siya mismo ang nagsulat, at hindi iniba.

“Very minimal, tulad nu’ng sa family, nagpadagdag sila (Star Cinema) ng family which is tama naman, kasi kailangan talaga. Kasi ang original story ko, ‘yung dalawa lang (Julia at Josh) ‘tapos nu’ng nag-suggest nga ang Star Cinema na dapat may family, naisip ko, tama nga, kaya hayun. The rest is ako na talaga, story ko na, kasama ko si Kriz Gazmen, siya ‘yung taga-solve,” pagtatapat ni Direk Tonette.

Diretsong tanong namin, bakit may manok sa pelikula? Ano ang symbolism nito?

“Wala lang po, naisip ko lang para magkaroon ng baby ‘yung dalawa (Mika at Caloy), para lang may third character sa kanila. Cute naman, di ba? Symbolism, hindi ko po alam, eh,” napaisip ding sagot sa amin.

Binanggit namin na ang manok ay nagpapahayag ng good fortune lalo na kung tumitilaok.

“Ay, ganu’n po ba? Hindi ko naisip ‘yun, ah. Salamat,” napangiting sabi ni Direk Tonette.

Sa mga gusto muling balikan ang kanilang kabataan noong una silang na-in love, unang kinilig o kinikilig hanggang ngayon kahit na may mga pinagdadaanan na hindi naging hadlang para maging masaya ang buhay, panoorin ang JoshLia tandem sa kanilang kakaibang romantic-comedy-drama movie.