MULING pinagmumulan ng mga problema ang pagpapaliban ng pagdedesisyon kung matutuloy ang muling pagkansela sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Oktubre.
Dahil sa kawalan ng pinal na pasya, kinakailangang ipagpatuloy ng Commission on Elections ang mga paghahanda nito para sa nakatakdang halalan, kabilang na ang pag-iimprenta ng mga balota. Nagsimula na itong mag-imprenta ng mga balota para sa Batanes nitong Agosto 9, ngunit matapos makapaglimbag ng 15,021 balota ay tumigil na ito dahil na rin sa ilang kalituhan, ayon sa ilang opisyal, sa bilang ng balota para sa ilang voting precinct.
Itutuloy ang pag-iimprenta kapag naresolba na ang problema. Kailangan ang 56,468,566 na balota para sa halalang pambarangay, at 20,792,520 balota para naman sa SK elections. May kabuuang 77,261,086 na balota ang kinakailangan para sa buong bansa.
Sa mga opisyal ng Comelec, nauwi na ang problema sa pag-iimprenta ng balota sa isa pang alitan kaugnay ng pinaplanong pagpapatalsik sa puwesto sa chairman nitong si Andres Bautista. Sa pulong ng Comelec nitong Martes, sinabi ni Commissioner Rowena Guanzon na nabatid niyang hindi maaaring maisagawa ang pag-iimprenta dahil hindi nilagdaan ng chairman ang kinakailangang memorandum of agreement sa National Printing Office. Iginiit niyang dapat nang magbitiw sa puwesto ang chairman o maghain ng leave of absence, upang hindi maapektuhan ang trabaho sa Comelec. Depensa naman ng chairman, hindi pa siya maaaring lumagda hanggang hindi pa naaaprubahan ng board ang gastusin sa pag-iimprenta.
Nagsilutang ang dalawang usaping ito — ang problema sa pag-iimprenta at ang hindi pagkakasundo ng mga opisyal ng Comelec — sa panahong humaharap sa mga pagsubok ang Comelec. Sakaling magdesisyon ang Kongreso na ipagpaliban na nang tuluyan ang eleksiyon, ang lahat ng balotang naimprenta — na gagastusan ng mga taxpayer — ay masasayang lamang. Sakali namang magpasya ang Kongreso laban sa pagpapaliban ng halalan, kukulangin naman ang balotang kailangan ng Comelec.
Inaprubahan na ng Kamara de Representantes ang panukalang magpapaliban sa eleksiyong pitong buwan bago ang Mayo 2018, ngunit hindi inaprubahan ang panukala ni Pangulong Duterte na magtalaga ng mga pansamantalang opisyal ng barangay. Sa Senado, pabor ang komite na ipagpaliban ng 12 buwan ang halalan, o itakda ito sa Oktubre 2018. Sa mga alegasyong maraming opisyal ng barangay ang nahalal dahil sa drug money at posibleng mahalal muli, pinakakasuhan ni Sen. Richard Gordon sa korte ang mga ito.
Inihayag ng mga pinuno ng Senado at Kamara na magdaraos sila ng bicameral debate upang talakayin ang lahat ng usapin kaugnay ng panukalang pagpapaliban sa eleksiyon. Hinihimok nating gawin na kaagad ang debate at kaagad na pagtibayin bilang batas ang magiging desisyon nila. Dapat nilang iwasang maulit ang nangyari noong nakaraang taon nang ang panukalang magpapaliban sa halalan sa Oktubre 2016 ay nilagdaan bilang batas dalawang linggo bago ang mismong araw ng botohan.