Ni: Genalyn D. Kabiling
Bilang bahagi ng pagsisikap na labanan ang “very serious” na banta ng terorismo, pinaghahandaan na ang pagpupulong ng mga leader ng Pilipinas, Indonesia, at Malaysia.
Isiniwalat ni Pangulong Duterte ang inirekomendang anti-terrorism assembly kasama sina Indonesian President Joko Widodo at Malaysian Prime Minister Najib Razak, kasabay ng pagbanggit sa banta ng terorismo, pamimirata at iba pang krimen.
“Widodo and I have yet to hear pa Najib. He wants us, the three of us to meet somewhere to talk about this new phenomenon of international terrorism,” pahayag ng Pangulo bago ang pagpupulong sa mga bagong police official sa Malacañang kahapon.
“We are back into the stages of the old world parang mga pirata of which they are really are. If you have to characterize their… They kill and they just want to destroy,” aniya.
Binuo ng tatlong bansa ang isang kasunduan upang mapaigting ang seguridad para maitaboy ang mga terorista, pirata, at iba pang kriminal mula sa mga nasasakupan.
Sa nasabing kasunduan, maglalagay ng mga naval patrol upang matiyak ang seguridad ng Sulu Sea, na matatagpuan sa hilagang-silangan ng isla ng Borneo island at timog-kanluran ng Pilipinas. Pahihintulutan din ng Maynila ang dalawang naval forces upang mapigilan ang Islamic militants na makapasok sa teritoryo.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na ang operasyon ng gobyerno na resolbahin ang problema sa Marawi City ay “in the final stages” ngunit sinabing hindi pa ito tuluyang natutuldukan.
Binalaan niya na maaaring kabilang ang Maynila, Zamboanga at Davao sa mga “tempting targets” ng mga terorista.